Home NATIONWIDE Mas maraming warrant posibleng ilabas ng ICC vs co-perpetrators ni Duterte

Mas maraming warrant posibleng ilabas ng ICC vs co-perpetrators ni Duterte

MANILA, Philippines – Posibleng maglabas ng mas marami pang arrest warrants ang International Criminal Court (ICC) sa mga “co-perpetrators” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may kaugnayan sa mga pagpatay sa war on drugs ng kanyang administrasyon, sinabi ng abogado ng mga pamilya ng biktima.

“Kung babasahin mo ang warrant of arrest, may mga indications na may iba pa maliban kay Pangulong Duterte. Kasi ang description na binibigay doon kay Pangulong Duterte indirect co-perpetrator,” pahayag ni Atty. Joel Butuyan sa panayam ng GMA News nitong Miyerkules, Marso 12.

Ani Butuyan, posibleng makasama si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa mga aarestuhin.

“So, kung co-perpetrator siya, meron siyang ibang ka-perpetrator. So, umaasa tayo na ito ay simula pa lang at meron pang iba kagaya ni Senator Bato dela Rosa na maaaring mahahainan ng warrant of arrest sa mga susunod na araw,” dagdag ni Butuyan.

Si Dela Rosa ay nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) sa termino ni Duterte.

Sinabi ni dating Senador Antonio Trillanes IV na isa sa mga naghain ng kaso laban kay Duterte sa ICC, na posibleng sakop ng karagdagang warrant of arrest si Dela Rosa.

“Meron pa po tayong ine-expect na darating pa na warrant of arrest pero baka hanggang kay Bato dela Rosa na lang po ang inaantay natin,” ani Trillanes. RNT/JGC