MANILA, Philippines – Nais pang makahikayat ng Slovenia ng mas maraming manggagawang Pinoy para magtrabaho sa naturang bansa.
Ito ay kasunod ng pagpirma ng kasunduan sa labor mobility kasama ang Pilipinas.
Sa joint press conference sa Manila kasama si Foreign Secretary Enrique Manalo, inanunsyo ni Slovenian Foreign Minister Tanja Fajon na pipirma siya ng memorandum of understanding on labor cooperation sa Department of Migrant Workers.
Layon ng kasunduan na masiguro ang patas at transparent na employment opportunities para sa mga Filipino sa Slovenia.
“Filipinos are held in high regard around the world for their dedication, strong work ethic, and loyalty, and we look forward to welcoming more workers from the Philippines to Slovenia,” ani Fajon.
Batay sa datos ng Department of Foreign Affairs, mayroong 413 Filipino sa Slovenia. Karamihan sa mga ito ay clerical support workers, service at sales workers, technicians at associate professionals.
Sa tatlong araw na pagbisita sa Pilipinas, nagsagawa rin ang Slovenian Embassy sa Manila ng labor event para magbigay ng mas maraming impormasyon sa recruitment agencies patungkol sa labor landscape sa Slovenia.
Samantala, pinag-usapan sa bilateral meeting nina Fajon at Manalo ang patuloy na kooperasyon sa iba pang sektor katulad ng space, science and technology applications, nuclear energy, maritime education, training, at sports.
Ito ang kauna-unahang pagbisita ng isang Slovenian foreign minister sa Pilipinas na inilarawan ni Manalo bilang isang “milestone” sa 31 taong diplomatic relations ng Pilipinas at Slovenia.
“The positive trajectory of Philippines-Slovenia bilateral relations is largely a result of our shared values and an alignment of views on regional and global issues,” aniya.
Si Fajon ay nilahukan ng Slovenian business delegation ng nasa 40 kompanya sa mobility, manufacturing, food and beverage, information and communications technology, science and technology, at hospitality.
Makikipagkita ang business delegation sa kanilang counterparts mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI kasabay ng Slovenia-Philippines Business Forum na layong makahikayat ng kolaborasyon sa pagitan ng Chambers of Commerce and Industry ng dalawang bansa, at sa pagitan ng mga negosyo sa Pilipinas at Slovenia. RNT/JGC