MANILA, Philippines- Maaari nang humiram ang mga miyembro ng Pag-IBIG Fund ng mas malaking cash loans, kasunod ng upgrade ng Multi-Purpose Loan (MPL) nito, base sa Malacañang nitong Martes.
Inanunsyo ito ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing, sa pagpuri niya sa pagpapahusay sa loan program.
“Isa pa pong good news para sa miyembro ng Pag-IBIG. Dala ng patuloy na pagtugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro, mas pinalaki at pinadali na lang pag-qualify sa Pag-IBIG Multi-Purpose Loan,” pahayag ni Castro.
Binanggit ni Castro na sa ilalim ng upgraded MPL, maaari nang umutang ang qualified members hanggang 90 porsyento ng kabuuan ng kanilang Pag-IBIG regular savings, mula sa nakaraang 80 porsyento.
“Para sa miyembro, dinagdagan at in-upgrade ang kanilang regular saving lalo pang tataas ang kanilang loan amount dahil nakabase sa kanilang ipon ang kanilang mahihiram. Sa kabuuan, mas malaki ang maaring matanggap ng mga miyembro mula MPL upang lalong makatugon sa kanilang pangangailangan,” anang opisyal.
Sinabi rin ni Castro na iiral din ang mas mataas na loan amounts at mas mabilis na eligibility sa Pag-IBIG short-term loan programs, kabilang ang Health and Education Loan Programs (HELPS) at ang Calamity Loan.
“Pinaigsi narin ang panahon para maging eligible ang miyembro sa pag-avail ng loan,” wika ng opisyal.
“Dahil dito mas maaga na maka-access ng pondo ang mas nakakaraming miyembro para sa kanilang mga agarang pangangailangan,” dagdag niya. RNT/SA