MANILA, Philippines – Iminungkahi ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagtaas ng mga ceiling ng tax-exempt benefits para sa mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor upang mapangalagaan ang kanilang kapakanan at maisulong ang inclusive growth.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, ang panukala ay “magkakaroon ng maliit na epekto sa kita ng gobyerno, ngunit malaking ginhawa para sa mga manggagawa.”
“Employees in both private and government service will enjoy higher non-taxable allowances and benefits to account for inflation and rising living costs,” ayon sa DOF.
Sa kanyang departure speech bago bumiyahe patungong Malaysia para sa ASEAN Summit 2025, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang DOF at BIR ay naghain ng mga mungkahi para itaas ang ceiling ng tax-exempt de minimis benefits, alinsunod sa kanyang direktiba na magbigay ng tax relief “sa mga higit na nangangailangan.”
“These changes are not just about numbers. They are about fairness and dignity in the workplace,” ani Marcos.
Sa panukala, ang tax-exempt ceiling para sa monetized unused vacation leave ng mga empleyado sa pribadong sektor ay itataas mula 10 araw tungo sa 12 araw, habang mananatiling walang limitasyon sa mga empleyado ng gobyerno.
Kasama rin sa mga adjustment ang mga sumusunod:
Medical cash allowance para sa dependents: mula ₱1,500 tungo sa ₱2,000 bawat semester
Rice subsidy: mula ₱2,000 tungo sa ₱2,500 buwan-buwan
Uniform at clothing allowance: mula ₱7,000 tungo sa ₱8,000 kada taon
Medical assistance ceiling: mula ₱10,000 tungo sa ₱12,000 kada taon
Laundry allowance: mula ₱300 tungo sa ₱400 bawat buwan
Achievement awards: mula ₱10,000 tungo sa ₱12,000 kada taon
Christmas o anniversary incentive: mula ₱5,000 tungo sa ₱6,000 kada taon
Meal allowance sa overtime o night shift: mula 25% tungo sa 30% ng minimum wage
Collective bargaining at productivity incentives: mula ₱10,000 tungo sa ₱12,000 kada taon
Bukod dito, inatasan ni Recto ang BIR na pag-aralan ang posibleng exemption sa ilang taxpayer segments mula sa obligasyong mag-withhold at mag-remit ng creditable withholding taxes.
Sinabi rin ng DOF na pinag-aaralan nila ang pagpapasimple at pagbaba ng withholding tax rates upang mapagaan ang compliance burden ng mga taxpayer.
Tiniyak naman ni Marcos ang katarungan sa pagpapatupad ng batas sa buwis, kasabay ng pangakong papanagutin ang mga sangkot sa anomalya sa flood control projects, habang titiyakin naman ang patas na pagtrato sa mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs) gayundin sa mga malalaking korporasyon na tapat na nagbabayad ng buwis. RNT/JGC