Home OPINION MAS PATATAGIN ANG OSH SA 2025

MAS PATATAGIN ANG OSH SA 2025

MARAMING salamat sa Panginoong Diyos dahil matiwasay tayong nakatawid sa mga naging hamon ng 2024. Bagaman hindi nagtagumpay ang iilan sa kanilang sinisipat na target, malaki pa rin ang pag-asang makamit nila ang mga ito ngayong 2025.

Katulad na lamang ng pagpapatupad ng mga initiative at innovation para mas protektado ang mga empleyado at mas maging epektibo ang occupational safety and health program ng isang kompanya. Kung may kakulangan pa at may mga item na hindi nagampanan nitong nakaraang taon, maaari pa rin tayong makabawi lalo na ngayong first quarter (Q1).

Isa-isang balikan at ilista muli ang mga hindi napagtagumpayang programa at maglagay ng remarks kung bakit ito hindi naisakatuparan sa itinakdang panahon. Dito kasi natin malalaman ang detalye ng mga kakulangan tulad ng solusyong realistic at praktikal na gawin kaakibat ang budget at sapat na oras. Katulad din yan ng pagsusuri sa pagresolba ng personal nating problema.

Ang pagkakaiba nga lang, mas malaki ang expectations sa atin ng kompanyang pinapasukan kasi binabayaran nila tayo samantalang sa pagsagupa sa personal issue ay wala ngunit parehong may kaakibat na responsibilidad o pananagutan.

Kabilang sa pagpapatatag ng OSH ang epektibong implementasyon ng mental health program. Lalo na ngayong bagong taon, baka kasi nasa vacation mode pa ang ating mga kasamahan. Huwag namang sosobrahan ang interview at recreation baka kasi maging super sensitive naman at tamad ang empleyado na ikasisira naman ng produksyon. Marami akong kilalang ganyan. Namimili lang ng gustong tapusing trabaho kaya pati promotion nila humihinto tuloy, he-he-he.

Ipapaliwanag ko sa mga susunod na kolum kung paano ito nangyayari.

Upang mas maging matatag, tingnan muli ang checklist ng OSH program at baka may nakaliligtaan tayong ipatupad. Hindi pwede ang teka-teka sa OSH. Hindi rin pwede ang kompromiso. Hindi pwede ang palakasan at pakikiusap. Kailangang laging dokumentado ang bawat galaw. Anim na taon na ang nakararaan mula nang ipatupad ang OSH Law na nagpapataw ng arawan at malakihang multa. Dapat pa nga magkusa tayong iangat ang antas nito at pagyamanin.

Huwag din babalewalain ang labor department, sila ang tutulong sa atin kung mayroon tayong kalituhan o kakulangan sa ipinaiiral na batas. Sama-sama nating patatagin ang implementasyon ng OSH sa Pilipinas para sa 2025.

HAPPY NEW YEAR TO ALL!!!