TULOY na pala ang isasagawang pagtitipon ng ‘Iglesia Ni Cristo’ upang suportahan ang panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos sa Kongreso na huwag ituloy ang planong pagpapatalsik kay VP Sara Duterte sa pamamagitan ng ‘impeachment.’
Tatawagin itong pagtitipon para sa kapayapaan at pagkakaisa.
Gaganapin ang pagtitipon sa Enero 13, Lunes, kung saan asahan na ang pagsisikip ng trapiko sa buong Metro Manila at iba pa ng mga pangunahing lugar sa iba’t-ibang panig ng bansa.
At dahil sadyang maimpluwensiya at may disiplina ang kanilang hanay, ngayon pa lang ay “dispensa” na ang apela ng INC sa inaasahang ‘inconvenience’ sa publiko bunga nang pagdalo ng libo-libo nilang mga miyembro.
Noong Nobyembre pa ginawa ni PBBM ang kanyang apela na tigilan na ang impeachment dahil nga mas maraming problema na mas dapat asikasuhin, pero sagot ng Kongreso?
Tatlong magkakasunod na ‘impeachment complaint ‘ laban kay VP Inday ang inihain bago natapos ang 2024.
Sa nangyari, may mga “tamang hinala” tuloy kung “totoo” bang may “impluwensiya” ba si PBBM sa Kongreso katulad ng alam ng karamihan? O baka naman daw… “zarsuela” lang ang lahat, hehehe!
Dahil nga maganda ang panawagan ni PBBM, nitong Disyembre 4, nagdeklara ang INC na suportado nila ang Pangulo at nakahanda pa silang “magrali” para dito.
‘Yun nga lang , mukhang “bingi” ang Kongreso kaya tuloy lang ang pagtanggap ng mga reklamo laban kay VP Sara. Baka naman… iniisip nila na ‘joke only’ lang ang pahayag ng INC?
Aber, sa mga seryosong usapin tulad ng kapayapaan at pambansang pagkakaisa, kailan pa hindi naging seryoso ang Iglesia?
At ngayong may petsa na ang nasabing pagtitipon, eh “saan” kaya “dadamputin” ang mga politikong kontra sa panawagan ni PBBM at INC pagdating ng halalan?
Abangan!