Home METRO Higit P2M shabu na nakatago sa lalagyan ng kape, buking ng BOC

Higit P2M shabu na nakatago sa lalagyan ng kape, buking ng BOC

MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa P2.65 milyon halaga ng shabu ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark makaraang mabuking ito na nakatago sa coffee bean pouches.

Ayon sa BOC, dumating ang nasabing kargamento noong Disyembre 17, 2024 kung saan idineklara ito na naglalaman ng “Gift Items Coffee Bags (Variety), Candy or Snacks” na nagmula sa United States of America.

Bago ito dumating sa bansa, ang kargamento ay na-flag ng X-ray Inspection Project para sa physical examination. Sa isinagawang pisikal na inspeksyon noong Disyembre 19, 2024, natagpuan ng nakatalagang Customs Examiner ang ilang regalo at mga bag ng kape. Sa karagdagang imbestigasyon, apat na bag ng kape ang natagpuang naglalaman ng apat na vacuum-sealed na transparent na pouch ng Methamphetamine Hydrochloride “Shabu”, na tumitimbang ng 390 gramo.

Kinumpirma naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamamagitan ng laboratory analysis na ang substance ay Methamphetamine Hydrochloride, na nauuri bilang isang mapanganib na gamot sa ilalim ng inamyendahan na R.A. No. 9165.

Isang Warrant of Seizure and Detention ang inisyu laban sa subject shipment dahil sa paglabag sa Section 118(g), Section 119(d), at Section 1113 paragraph f, i, at l (3 at 4) ng R.A. No. 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), na may kaugnayan sa R.A. No. 9165. JR Reyes