Home METRO Mas pinaigting na HIV, STI response, inilatag ng Maynila kasabay ng Pride...

Mas pinaigting na HIV, STI response, inilatag ng Maynila kasabay ng Pride event

98
0

MANILA, Philippines — Mas pinalakas ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang kampanya laban sa pagkalat ng HIV, AIDS, at iba pang sexually transmitted infections (STIs) sa pamamagitan ng bagong ordinansang nilagdaan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.

Layunin ng ordinansa na maglatag ng mas sistematiko at komprehensibong hakbang sa pag-iwas, pagpapasuri, at pagpapagamot ng mga naturang sakit, kabilang na rin ang pagbibigay ng sapat na kaalaman lalo na sa kabataan—sektor na itinuturing na kritikal sa kampanya laban sa HIV.

Ginawa ang paglagda sa naturang ordinansa kasabay ng selebrasyon ng Manila Summer Pride Parade 2026, kung saan itinampok ang adbokasiya ng kalusugan at inklusibong serbisyo sa gitna ng makulay na pagtitipon ng LGBTQIA+ community at mga tagasuporta nito.

Sinaksihan naman ni Vice Mayor Chi Atienza at ng mga miyembro ng konseho ang paglagda, na ayon sa lokal na pamahalaan ay simbolo ng pagsasanib ng public health at social inclusion sa lungsod.

Ayon sa alkalde, mahalagang mapalawak ang access sa serbisyong pangkalusugan upang maagapan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV sa bansa. Bahagi ng ordinansa ang pagpapalakas ng testing, treatment, care, at support systems para sa mga apektadong indibidwal.

Bukod sa serbisyong medikal, binigyang-diin din ng lungsod ang kahalagahan ng edukasyon at awareness campaigns upang mapawi ang stigma at diskriminasyon na karaniwang kinakaharap ng mga may HIV at ng LGBTQIA+ community.

Sa kanyang mensahe, tiniyak ni Domagoso na bukas at ligtas ang Maynila para sa lahat, anuman ang kasarian o identidad.

“If I am your parent, I am proud of you… Go and visit and go always in Manila and at the very least, you will find safety in the city of Manila,” pahayag ng alkalde.

Sa kabuuan, itinuturing ng pamahalaang lungsod ang ordinansa bilang mahalagang hakbang hindi lamang sa pampublikong kalusugan kundi pati sa pagtataguyod ng isang inklusibo at ligtas na komunidad para sa lahat ng Manileño. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here