Home OPINION MASBATE, RODEO CAPITAL OF ASIA?

MASBATE, RODEO CAPITAL OF ASIA?

INAASAHANG magpapalakas pa ng turismo sa lalawigan at sa iba pang lugar sa Bicol kapag nangyari ang panukala ng Department of Tourism na gawing Rodeo Capital of Asia ang Masbate kung saan taunang ginaganap ngayon ang Rodeo finals sa bansa.

Bagaman patuloy na dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista ang national event na ito mula nang ideklarang Rodeo Capital ng bansa ang Masbate noong panahon ng dating gobernador at naging kilalang kongresistang si Emilio”Tatay Miling”Espinosa
subalit pinaniniwalaang magbubukas ng marami pang negosyo sa probinsya sakaling mangyari na nga ang panukalang ito na suportado mismo ni DOT Secretary Maria Christina Frasco.

Ang Rodeo ay paligsahan ng iba’t-ibang manlalaro mula sa mga sikat na unibersidad sa bansa sa larangan ng bull riding, wrestling ng baka, karambola at iba pang unang sumikat sa Spain, Mexico, Australia at Amerika.

Kilala ang lalawigan ng Masbate bilang lugar na may malalawak na rantsong breeding ground ng de-kalidad na mga baka at kabayong sagana sa natural na pagkain lalo na kapag tag-ulan kung saan berde ang kulay ng mga mababang kabundukang angkop sa pagbabakahan.

Sa bawat taong idinaraos ang Rodeo, dagsa rin ang mga bisita sa mga naggagandahang resort sa mga bayan sa lalawigang kilala rin sa may mapuputing buhangin na baybaying dagat kaya naman pansamantalang tumataas din ang kalakaran ng ekonomiya rito.

Ngunit sa kabila ng libo-libong hektaryang mga rantso sa lalawigan, may ilan ding walang lamang mga baka, kalabaw at kabayo, kaya naman hiling ng mga magsasakang mabigyan sila ng kapirasong lupang matataniman upang maitawid ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagsasaka.

Oo nga’t marami na rin na mga kababayang nabiyayaan ng gobyerno ng lupang sinasaka subalit hindi ba’t mas makatuwirang unahin muna ng mga rantsero ang pagbibigay ng sakahan sa mga magsasakang karamihan naman ay mga pastol nilang sa kasalukuyan ay may parte pa rin ang mga may-ari sa itinatanim nila?

Hindi ba’t malaking tulong na maibsan ang kahirapan ng sektor na itong itinuturing na ‘Food Producers’ ng bansang patuloy na isinusulong ng kasalukuyang administrasyon ang ‘food security’?

Hindi naman tama na may malalawak nga na rantso ang lalawigan kong mahal ngunit may ilang magsasakang tanging sa paso lang ang pag-aaring lupa.