Home OPINION TIIS AT PASENSYA PA MORE

TIIS AT PASENSYA PA MORE

TAPOS na ang “Mahal na Araw”, pero parating pa lang ang kalbaryo ng mga komyuter ngayon buwan ng Abril.  Mantakin mo naman kasi, patong-patong na mga pahirap para sa mga ordinaryong mananakay ang haharapin na naman kapag ipinatupad na ang mga bagong patakaran tungkol sa pampublikong sasakyan at mga batas trapiko.

Una, ipinatupad na simula pa noong Marso 28, 2024 ang suspensyon ng operasyon ng Philippine National Railways  o PNR ng kanilang mga byahe sa loob ng Metro Manila.  Limang taon na hindi masasakyan ang mga tren ng PNR sa dalawang ruta ng Gov. Pascual (Caloocan) hanggang Tutuban (Manila) at ang Tutuban-Alabang na byahe.   Ito ay para bigyang-daan ang konstruksyon ng North-South Commuter Rail na sakop naman ang byahe mula Clark International Airport – Calamba.

Pangalawa, wala na raw pagpapalawig o extension ang deadline ng consolidation para sa mga jeepney, na bahagi ng PUV Modernization.  Sa April 30 ang deadline at wala na raw urungan, ani mismo ni Pangulong Bongbong Marcos. Dahil dito, kasado na ang malawakang jeepney strike ngayon at bukas, April 15-16, 2024, na lalahukan daw ng halos 100,000 mga tsuper at operators ayon sa PISTON at MANIBELA.

Pangatlo, handa na raw ipatupad ng MMDA ang ban o pagbabawal sa mga e-bikes, e-trikes at electronic scooters sa mga pangunahing kalsada sa ka-Maynilaan.  Tanong tuloy ng mga taga-suporta at gumagamit ng mga alternatibong sasakyan na ito, parang hindi naman yata patas na silang mas malilit at walang polusyon ay napagdiskitahan.

Lahat naman tayo ay gustong solusyonan ang dambuhalang problema ng trapiko sa Maynila.  Sino ba naman ang ayaw na maayos at matiwasay  na pagbibyahe araw-araw para pumasok sa eskwelahan o opisina? At mabuti naman at hinaharap ng seryoso ni Pangulong BBM ang mga isyung ito, sa pagpapatawag ng traffic summit noong nakaraang linggo.

Tama ang direksyon para sa mga long-term na solusyson.   Pampublikong transportasyon para sa masa tulad ng mas mahaba at malawak na mga railways, dagdag na mga elevated LRT/MRT stations, pagpapatuloy ng EDSA Bus Carousel at ang naumpisahan na Metro Manila Subway project.   Pero medyo matagal pa o baka nga dekada pa bago matapos at maramdaman ang ginhawang dulot ng mga proyektong ito.

Sa ngayon, dapat tutukan ng gobyerno ang paghuli sa mga kolorum na sasakyan, mga abusado sa kalsada at lalo na ang mga hindi sumusunod sa batas trapiko, mapa-pribado o pampublikong sasakyan man.

Tiis-tiis muna tayong mga komyuter wala naman kasi tayong ‘choice’.