Home HOME BANNER STORY Transport strike vs PUV modernization nagsimula na

Transport strike vs PUV modernization nagsimula na

MANILA, Philippines- Nagsagawa ang dalawang transport groups ng nationwide strike nitong Lunes upang kondenahin ang public utility vehicle modernization program ng pamahalaan.

Nagtipon ang mga miyembro ng dalawang grupo — ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) at Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon or MANIBELA sa ilang lugar at nagsagawa ng kilos-protesta.

Sa Baclaran jeepney station sa Parañaque, nanatili sa mga terminal ang mga driver na mga miyembro ng PISTON na bumibiyahe sa Baclaran-Divisoria route at vice versa.

Hawak nila ang mga karatula kung saan nakasulat ang “No to PUV phaseout”, “Gusto namin ng national industrialization” at “Ibalik ang limang taong prangkisa hindi Cha-cha.”

Inanunsyo ng PISTON at MANIBELA nitong Huwebes na magsasagawa ang mga ito ng two-day nationwide transport strike mula Abril 15 hanggang 16 sa gitna ng nagbabadyang April 30 deadline para sa konsolidasyon ng prangkisa ng PUVs.

Ani MANIBELA president Mar Valbuena, inaasahan nila na halos 30,000 jeepney drivers ang makikilahok sa kilos-protesta sa National Capital Region at hindi bababa sa 100,000 iba pa mula sa ibang lugar sa bansa.

Subalit, hindi nakiisa ang ilang jeepney drivers at operators sa transport strike.

Sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, mayroong ilang traditional jeepneys na bumibiyahe pa rin, batay sa ulat.

Karamihan sa PUVs ay mga bus na halos puno na.

Dahil dito, naabala ang mga commuter na maagang pumasok para may masakyan sa gitna ng transport strike.

Hanggang alas-7 ng umaga naman ay walang naitalang stranded na commuters.

Iginiit ng ibang transport groups tulad ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) na hindi sila makikilahok sa kilos-protesta.

Sa Isabela, patuloy ang pagbiyahe ng jeepney drivers sa kanilang mga ruta, base sa ulat.

Inihayag ng One Pangasinan Transport Federation na hindi ito sasali sa kilos-protesta dahil 95% ng 500 jeepney units ng kanilang mga miyembro ay nakibahagi sa konsolidasyon.

Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region III na walang transport group sa Pampanga ang lalahok sa two-day strike.

Subalit, sinabi ng local government unit ng Mabalacat, Pampanga na handa itong magbigay ng libreng sakay sakaling kailanganin.

Sa Bicol at sa Iloilo City, patuloy din ang biyahe ng mga jeep.

Normal din ang sitwasyon sa Bacolod City bagama’t mayroong nakaambang noise barrage at candle lighting upang ipanawagan ang pagbabalik ng five-year validity ng PUV franchises.

Sa Cebu, wala ring transport strike subalit sinabi ng PISTON na magsasagawa ito ng kilos-protesta sa kahabaan ng tatlong major routes.

Samantala, inihayag ng LTFRB Region X na malaki ang posibilidad na hindi makilahok ang PUV drivers at operators sa Northern Mindanao dahil 90% ng franchise units ay na-consolidate na. RNT/SA