Home OPINION MGA OFW PROTEKTAHAN SA IRAN-ISRAEL WAR

MGA OFW PROTEKTAHAN SA IRAN-ISRAEL WAR

KAMAKALAWA ng gabi hanggang madaling araw kahapon, daan-daang missile at drone ang pinakawalan ng Iran patungong Israel.

Tumawid ang mga missile at drone sa mga bansang Jordan at Iraq at maaaring ilang bahagi pa nga ng Syria at Saudi Arabia.

Sinasabing karamihan sa mga missile at drone ang pinabagsak ng Israel at mga pwersa ng United Kingdom at United States.

Naganap ito bilang ganti ng Iran sa Israel na bumomba sa konsulado nito sa Damascus Syria nitong nakaraang dalawang linggo.

Namatay roon ang dalawang Iranian general at ilang iba pa at tinawag ng Iran iyon na direktang pag-atake ng Israel sa Iran dahil itinuturing na teritoryo nito ang nabomba.

Ang embahada ay itinuturing na teritoryo ng bawat bansa at ang konsulado na binomba ng Israel ay nasa compound ng emhabaha ng Iran.

MAY HANGGANAN?

Walang nakaaalam kung hanggang saan ang direktang komprontasyon sa pagitan ng Israel at Iran.

Ito’y dahil nais ng Israel na pasukin mismo ang Iran, bombahin at pasabugin ang mga plantang nukleyar nito na ginagamit umano ng huli para magkaroon ng bombang nukleyar.

Maaaring gumamit din umano ang Israel ng bombang nukleyar laban sa Iran.

Maaari namang masangkot ang iba pang mga bansang Arabo pabor sa Iran.

At dahil sa sangkot nang direkta mismo ang UK at US laban sa Iran, tiyak na lalawak lalo ang giyera.

Maaaring magpreno ang giyera ng Iran at Israel kung ititigil na Iran ang pag-missile at pag-drone sa Israel.

Gaya ito ng nangyari sa pagitan ng Iran at Pakistan kamakailan.

May umatake sa Iran na mga rebelde mula sa Pakistan at binomba ng Iran ang base ng mga ito sa Pakistan.

Gumanti ang Pakistan at binomba naman ang mga rebeldeng nakabase sa Iran na lumulusob sa Pakistan.

Pagkatapos noon, natigil na ang bombahan.

PROTEKSYON SA MGA OFW ANG PINAKAMAHALAGA

Gaano ba karami ang mga overseas Filipino worker sa mga bansang maaaring maapektuhan ng giyerang Iran at Israel?

Ang malinaw, may 30,000 OFW sa Israel, 36,000 sa Lebanon, 40,000 sa Jordan, 5,000 sa Syria, halos 1,000 sa Iran, mahigit 1,600 sa Iraq at nasa 730,000-900,000 sa Saudi Arabia.

Dapat pagtuunan ito ng pansin ng pamahalaang Marcos.

Ayon sa ating Uzi, dapat ituring itong higit na mahalaga ngayon kaysa sa iringan sa Ayungin Shoal na may misteryosong gentleman’s agreement.

Milyong OFW ang nasa panganib kung magkagulo sa nasabing bahagi ng Middle East.

Ang pagbabakwit lamang, gaano katinding problema ito?

Paano ang mga paisa-isa na posibleng mamamatay?

Paano ang libo-libong mawawalan ng hanapbuhay?

Paano ang mga pamilya-OFW sa Pilipinas na maghihirap at mawawalan sa pagtigil ng mga padala ng mga OFW na mawalan ng trabaho sa Middle East?

Maaaring ipagdasal nating hindi lalala ang komprontasyon at maaaring magbunga ito.

Pero maaaring higit na magandang paghandaan na ang panakamasamang pangyayari at ibuhos ng pamahalaan lahat ng magagawa nito para sa kaligtasan ng mga Middle East OFW at pamilya nila sa Pinas.