Home NATIONWIDE Mass actions ikakasa sa pagtulak ng impeachment trial ni VP Sara

Mass actions ikakasa sa pagtulak ng impeachment trial ni VP Sara

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Katolikong pari na kabilang sa mga naghain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte noong Disyembre, na magkakaroon ng mga mass action laban sa postponement ng paglilitis sa Bise Presidente at pagtatangka na ibasura ang impeachment.

Sa panayam, sinabi ni Fr. Flavie Villanueva, na dapat ay tugunan ng mga senador ang kanilang constitutional duty at ipagpatuloy ang impeachment trial ni Duterte nang wala nang paligoy-ligoy pa.

“Impeachment is imperative, impeachment is a moral obligation. Impeachment delayed, justice denied,” ani Villanueva.

Sa Facebook page nitong Sabado, sinabi ni Villanueva na magkakaroon ng protest march, vigil at isa pang martsa sa Senado mula Hunyo 9 hanggang 11, na huling session day ng Kongreso.

Ang aktibidad ay inorganisa ng Kalipunan ng Kilusang Masa, Nagkaisa Labor Coalition at Tindig Pilipinas, na binubuo ng mga grupo at indibidwal na naghain ng una at ikatlong impeachment complaints laban kay Duterte.

Si Villanueva ang president at founder ng Paghilom Empower and Advocacy program na tumutulong sa mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Lumahok rin ang mga educator, political prisoner, at human rights lawyers sa babala sa mga senador sa pagpigil sa impeachment trial. RNT/JGC