MANILA, Philippines – Nasa 453 katao, kabilang ang 137 Chinese ang naaresto nitong Huwebes ng gabi, Pebrero 20 kasunod ng paglusob ng mga awtoridad sa umano’y illegal offshore gaming operations hub sa Parañaque City.
Sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na 307 sa mga suspek ay naaresto sa loob ng ATI Building, na matatagpuan sa harap ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), ay pawang mga Filipino.
Tatlo naman ang Vietnamese, dalawang Malaysians, dalawang Thais, at isang Indonesian at Taiwanese ang nasa kustodiya na ng pamahalaan.
Ang raid ay isinagawa kasunod ng “reports from concerned citizens.”
Kasama rin sa raiding team ang mga tauhan mula sa Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group, Department of Justice Office of Cybercrime, Bureau of Immigration Intelligence Division, Armed Forces of the Philippines at Southern Police District.
“Initial interviews of the arrested foreign nationals indicate [that the hub is running] an investment scam based on fixed stock exchange trading,” pahayag ng PAOCC.
Sa kabila ng ban sa Philippine offshore gaming operators (Pogos), patuloy pa rin ang operasyon ng ilang scam centers sa bansa. RNT/JGC