MANILA, Philippines- Iimbestigahan ng Department of Justice ang umano’y “mass grave” sa loob ng Lucky South 99, ang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na sinalakay ng mga awtoridad sa Porac, Pampanga.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes na sineseryoso nila ang mga alegasyon.
“It’s a very serious matter that we cannot take for granted… Remember wala pa tayo sa investigation ng mass grave sa Pampanga. Yan ay inu-undertake pa lang,” giit ng kalihim.
Sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio nitong Miyerkules na ikinakasa nito ang search warrant upang beripikahin ang akusasyon.
Nakatanggap ng mga ulat ang PAOCC na ilang indibidwal ng nakalibing sa loob ng illegal gambling hub sa Pampanga.
Base kay Casio, tinukoy ng mga saksi ang mga lokasyon na inaasahan ng PAOCC na mahuhukay nito kapag nakakuha ito ng warrant.
Bago ito, inirekomenda ng DOJ ang paghahain ng qualified trafficking at kidnapping for ransom charges labn sa dalawang manggagawa ng Lucky South 99.
“Yung organized crime nila lumipat dito. Nag dala sila ng lagim kaya nga yan ang isang dahilan kung bakit nangayaw na ang pangulo sa POGO. Kasi kasama na yung social ills saka yung criminal, criminal aspect na hindi talaga katanggap tanggap sa atin,” giit ni Remulla. RNT/SA