MANILA, Philippines- Naglabas ang Land Transportation Office (LTO) noong Huwebes, Setyembre 13, ng Show Cause order (SCO) laban sa isang rider na sadyang pumasok sa South Luzon Expressway (SLEX) kahit alam niyang bawal ang kanyang motorsiklo sa ilalim ng umiiral na mga patakaran.
Ayon sa LTO, batay sa umiiral na alituntunin, mahigpit na ipinagbabawal sa expressway ang mga motorsiklong mababa sa 400cc ngunit sa pagkakataong ito, alam ng motorcycle rider na 250cc lang ang kanyang motorsiklo at sinabi pa sa vlog na susuriin niya kung papayagan siyang pumasok sa expressway. .
Ang rider ay nag-upload ng kanyang ilegal na aksyon sa social media, na kalaunan ay nag-viral nang sitahin siya ng netizens dahil sa tahasang pagwawalang-bahala sa batas. Umapela pa ang ilan sa netizens sa LTO na kumilos.
Kaugnay nito, matapos malaman ang insidente, sinabi ni LTO chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na agad siyang nag-utos ng imbestigasyon na humantong sa pagpapalabas ng LTO ng show cause order na nilagdaan ni Renante MIlitante, pinuno ng LTO-Intelligence and Investigation Division.
Sinabi ni Assec Mendoza na ang ginawa ng vlogger ay hindi lamang iresponsable kundi mapanganib din dahil maaaring magdulot ito ng kapahamakan hindi lamang sa kanyang buhay kundi pati na rin sa iba pang motoristang bumabagtas sa expressway.
“Ito ay maliwanag na pambabastos sa rules and regulations ng expressways na ginawa naman para sa kaligtasan hindi lamang ng motorcycle riders kung hindi na rin ang iba pang motorista na gumagamit ng expressways,” sabi ni Assec Mendoza.
“Ang kahambugan na ipinakita ng rider na ito ay isang pagpapatunay ng kawalan ng disiplina. Ito na ang magiging paksa ng imbestigasyon kung tatangkilikin pa rin niya o hindi ang pribilehiyong mabigyan ng lisensya sa pagmamaneho,” dagdag ng opisyal.
Inilagay din ng LTO sa ilalim ng alarma ang driver’s license at Kawasaki 250 na may Plate No. 428UDE habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon. Santi Celario