Home METRO Mass shooting sa unibersidad sa Cavite, pinasinungalingan ng Pulisya

Mass shooting sa unibersidad sa Cavite, pinasinungalingan ng Pulisya

1
0

CAVITE, Philippines – Itinanggi ng Dasmariñas City police ang viral na ulat sa social media tungkol sa umano’y mass shooting sa isang unibersidad nitong Huwebes, Oktubre 1, na sinasabing ikinasawi ng isang tao.

Ayon sa pulisya, masusing sinuri at inimbestigahan ng kanilang investigation section ang ulat ngunit walang nakitang factual basis upang patunayan ang insidente.

“The reported alleged mass shooting incident was thoroughly verified and investigated by the investigation section of this station,” pahayag ng Dasmariñas City police.

Hinimok ng pulisya ang publiko na huwag magbahagi o mag-repost ng hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng pangamba at kalituhan.

Gayunman, kinumpirma ng mga awtoridad na may natagpuang patay na tao sa loob ng isang sasakyan noong Miyerkules ng gabi sa compound ng De La Salle Medical and Health Sciences Institute sa Barangay Burol Main.

Ayon sa pulisya, hiwalay ang insidenteng ito sa kumakalat na alegasyon ng mass shooting. Isang 24-anyos na lalaki ang natagpuang patay sa likurang bahagi ng kanyang sasakyan bandang alas-9:40 ng gabi habang nakaparada ito sa university parking area.

Samantala, sinabi ng opisyal na student publication ng De La Salle University-Dasmariñas na Heraldo Filipino na pinaigting ng unibersidad ang security measures dahil sa mga kumakalat na ulat tungkol sa campus safety.

Sinuspinde rin ang lahat ng nakatakdang examinations at group-graded activities nitong Huwebes. Inatasan ang mga guro na ayusin ang kanilang schedule at tiyaking hindi mapaparusahan ang mga estudyanteng hindi makakadalo.

Muling nagbabala ang Dasmariñas City police laban sa pagsasama ng dalawang magkahiwalay na insidente o pagpapalabas na ang taong natagpuang patay ay biktima ng umano’y mass shooting.

“Such information is inaccurate and misleading,” ayon sa pulisya.

Nagbabala rin ang mga awtoridad na maaaring managot sa ilalim ng umiiral na batas ang sinumang sadyang lumilikha, nagpo-post o nagpapakalat ng maling impormasyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here