MANILA, Philippines – Sangkot sa malawakang sindikato ng krimen ang magkapatid na Yang, na sina Michael, dating economic adviser ni ex-president Rodrigo Duterte; at Tony na nadakip kamakailan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ayon kay Senador Risa Hontiveros.
Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na pawang sangkot ang magkapatid na Yang sa isang “massive crime syndicate” na kanilang family business na hindi binanggit ng senador kung anong klaseng negosyo.
Naunang naaresto si Tony sa NAIA nitong Setyembre 19 matapos ituring itong undesirable alien.
“The arrest of Tony Yang, who is wanted in China for financial scamming, will pave the way for establishing his connections to POGOs — just like his brothers Michael and Hongjiang,” ayon kay Hontiveros.
“It is much clearer now that their family business is a massive crime syndicate that has operated in the country for far too long and has victimized far too many,” giit pa ng senadora.
Pinaghihinalaan din ni Hontiveros na sangkot ang magkapatid na Yang sa operasyon ng illegal na Philippine Offshore Gaming Operators.
Pinabulaanan ng nakakatandang Yang ang alegasyon na sangkot siya sa POGO sa pamamagitan ng abogado nitong si Raymond Fortun noong nakaraang Hulyo.
“There is no respect for due process or rules of procedures that can be found in regular courts that would guarantee a person’s rights to be deemed innocent. Whether they admit it or not, the legislators are worse than learned prosecutors instead of fact-finding in aid of legislation,” ani Fortun sa statement.
Sinabi ni Hontiveros sa nakaraang pagdinig na may joint bank account si Hongjing Yang kay Hongsheng incorporator Yu Zheng Can at sinasabing direktang nakikipag-ugnayan sa Baofu Land Development Inc., ni dismissed Mayor Alice Guo na umupa ng isang malawak na ari-arian sa Bamban, Tarlac sa POGO.
Binanggit din ni Hontiveros na incorporator din si Hongjing sa Philippine Fullwin Group of Companies na isang Gerald Cruz ang corporate secretary.
Natuklasan din na pawaang corporate secretary din si Cruz ng Pharmally Biological, isang kompanyang kasosyo sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na sangkot naman sa pagbili ng maanomalyang COVID-19 medical supplies.
Pawang president si Michael Yang ng Fullwin at kasosyo sa Pharmally Biological.
“Malabong nagkataon lang na pare-pareho ang ginagawa nitong magkakapatid na Yang. There are indications that corporate layering and the crimes they committed through these entities may be part of their modus operandi,” ayon kay Hontiveros. Ernie Reyes