MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ni Senator Joel Villanueva ang pagkakasangkot sa umano’y anomalya sa flood control projects at iginiit na alam niya kung bakit naisama ang kanyang pangalan.
Sa plenaryo ng Senado nitong Martes, binigyang-diin ni Villanueva na matagal na niyang kinukuwestyon ang ₱1.4 bilyong pondo para sa flood control na hindi nararamdaman ng taumbayan.
“Hindi ko po sasabihin na I categorically deny this accusation dahil po may resibo po tayo. Meron pong pwedeng iberipika kung bakit po ito nangyayari,” aniya.
Nanawagan siya na tukuyin ang tunay na “mastermind” sa likod ng mga iregularidad at binanggit na may hawak siyang mga affidavit mula sa mga opisyal ng DPWH sa Bulacan na dapat sana’y ihaharap sa komite ni Sen. Rodante Marcoleta.
Giit ni Villanueva, hindi siya natatakot sa anumang demolition job at handa siyang humarap sa anumang imbestigasyon.
“May resibo po tayo. Madaling beripikahin. Tayo po ay more than willing mag-undergo at sumali sa anumang imbestigasyon sapagkat wala po tayong tinatago,” dagdag niya. RNT