MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Department of Public Works and Highways Undersecretary Maria Catalina Cabral nitong Martes na nakatanggap ng ₱51 bilyong pondo para sa imprastraktura ang 1st District ng Davao City mula 2020 hanggang 2022, sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inamin niyang siya ang nagsabi nito sa isang panayam noong 2024, na ngayon ay sentro ng imbestigasyon ng Kamara sa flood control anomalies.
Mariing pinapabalik ni House Infrastructure Committee chair Terry Ridon kay Cabral ang kanyang pahayag, na kalaunan ay kanyang kinumpirma. Kabilang sa mga isyu ang umano’y overpricing, ghost projects, at labis na konsentrasyon ng pondo sa isang distrito.
Itinanggi naman ni Davao Rep. Paolo Duterte ang mga alegasyon, iginiit na lehitimo at nakikita ang mga proyekto.
“Kung gusto gyud mo mangita ug ghost projects under that ₱51 billion, sige lang, investigate it all. The truth is there—projects that can be seen, completed, ug nagamit sa katawhan sa Davao,” aniya.
Binatikos din niya ang imbestigasyon dahil umano’y nalilihis ang usapan mula sa testimonya ng mga opisyal ng DPWH na umamin ng suhulan.
Hinamon pa niya ang mga kritiko na busisiin din ang ibang distrito. “Stop dragging the Dutertes to cover up your mess. Focus on the real issues—flood control anomalies, payola,” diin ni Duterte. RNT