MANILA, Philippines – Naaresto na ang hinihinalang mastermind sa pagpuslit ng walong persons deprived of liberty (PDLs) mula sa San Jose Del Monte Police Station custodial facility.
Sa ulat, naaresto ang PDL na si “Aaron” tanghali ng Biyernes, Hunyo 7, sa harap ng San Matias National High School sa Santo Tomas, Pampanga.
Ang walong mga tumakas ay sangkot sa drug-related cases.
Sa walong mga nakatakas, apat ang muling naaresto habang nagpapatuloy naman ang man-hunt sa apat iba pa.
Nitong Lunes, sinabi ni Police Master Sergeant Rod Pating, imbestigador ng kaso, na nakatakas ang mga PDL sa pamamagitan ng paglagari sa metal bars sa bintana ng isang banyo.
Nakuha ng mga awtoridad ang ginamit na lagari at limang metal bars.
Inaalam na ng pulisya kung paano nakapasok ang lagari sa pasilidad. RNT/JGC