MANILA, Philippines – Patuloy na bibili ng palay ang National Food Authority (NFA) upang punan ang buffer stock ng bansa.
“Hindi naman tayo sinasalanta ng bagyo na buong buong Pilipinas. Umani naman tayo ng maganda. Si NFA talagang buffer lang,” ani NFA acting administrator Larry Lacson.
Sa warehouse sa San Ildefonso, Bulacan, ang NFA umano ay mayroong 136,000 metriko tonelada ng palay na kayang suplayan ang bansa sa loob ng apat na araw.
Ang overall target ng palay purchase ngayong taon ay nasa 495,000 MT na sapat naman sa siyam na araw na suplaty ng bigas ng bansa.
Ani Lacson, regular na bumibili ang NFA ng 60% ng stocks nito tuwing tag-ulan sa disenteng presyo na ibinibenta ng mga magsasaka.
Ang nakikita na lamang na pagsubok ng ahensya ngayong tag-ulan ay ang kakulangan ng mga pasilidad para patuyuin ang mga palay.
“Ang instruction ko sa lahat ng regional offices ng NFA, look for drying facilities that we can contract para meron kaming pagdadalhan ng mga basang palay,” sinabi pa ni Lacson sa panayam ng GMA News. RNT/JGC