Home NATIONWIDE Nasa likod ng Lucky South 99 POGO ikagugulat ng mga Pinoy –...

Nasa likod ng Lucky South 99 POGO ikagugulat ng mga Pinoy – PAOCC

MANILA, Philippines – Posibleng ikagulat ng publiko kapag nalaman ng mga ito kung sino ang nasa likod ng Lucky South 99 Outsourcing, isang Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga na kamakailan ay nilusob ng mga awtoridad, ayon sa isang opisyal ng Philippine Anti-Corruption Commission (PAOCC).

Sa ulat, pinasok ng mga tauhan ng PAOCC at iba pang mga operatiba ang POGO hub sa bisa ng search warrant mula sa San Fernando Regional Trial Court.

May lawak na 10 ektarya ang compound at mayroong 46 na gusali na may tig-tatlong palapag kada isa.

Sa paghahalughog ay may mga nakitang isang babaeng humihingi ng tulong habang mayroon pang naabutan na nakatali sa bed frame at may mga pasa.

Nasagip din ang iba pang mga dayuhan na humihingi ng tulong mula naman sa iba pang mga bintana.

Ang mga kwarto ay nagsisilbing barracks ng mga taong tumuloy doon.

Nauna nang sinalakay ang POGO hub noong Martes ng gabi ngunit hindi tuluyang napasok ng mga awtoridad matapos bawiin ng korte sa Bulacan ang inilabas na search warrant.

Samantala, sa hiwalay na ulat ay nasagip ang 155 dayuhan mula sa naturang POGO hub sa naunang pagsalakay ng mga ito.

“Itong susunod na mga araw po siguro, makikita natin kung sino nga ba ang tunay na may ari sa likod nitong Lucky South 99 at mabibigla ang sambayanang Pilipino kung sino nga ba ang nasa likod,” pahayag ni Casio, na sinabi ring posibleng may kaugnayan ang POGO hub sa Porac, Pampanga, sa POGO hub sa Bamban, Tarlac. RNT/JGC