Home NATIONWIDE Mataas na pamasahe sa domestic flights ipinaliwanag ng CAB

Mataas na pamasahe sa domestic flights ipinaliwanag ng CAB

208
0

MANILA, Philippines — Ipinaliwanag ng Civil Aeronautics Board (CAB) na ang limitadong kapasidad ng eroplano at mga restriksiyon sa runway ng ilang paliparan ang pangunahing dahilan ng mataas na pamasahe sa domestic flights.

Ito ay sa gitna ng patuloy na pakikipag-usap ng gobyerno sa mga airline upang pababain ang presyo ng ticket.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, Enero 29, sinabi ng CAB na may mga umiiral nang hakbang para mapagaan ang pamasahe, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ni Transportation Acting Secretary Giovanni Lopez.

Ayon sa ahensya, nakaaapekto sa presyo ng pamasahe ang uri at laki ng eroplanong ginagamit sa biyahe.

Mas malaki umano ang gastos kada pasahero sa maliliit na turboprop aircraft gaya ng ATR-72 na karaniwang ginagamit sa mga rutang Catarman, Siargao, Antique at Busuanga, dahil limitado lamang ito sa humigit-kumulang 72 pasahero.

Sa kabaligtaran, mas mababa ang pamasahe sa mga rutang pinaglilingkuran ng malalaking eroplano tulad ng Airbus A330 na may kakayahang magsakay ng hanggang 459 pasahero, gaya ng sa Cebu, Davao at General Santos.

Nilinaw din ng CAB na ang maiikling runway sa ilang paliparan ang dahilan kung bakit hindi maaaring gumamit ng mas malalaking eroplano ang mga airline.

Upang matugunan ito, sinabi ng CAB na isinasagawa ng Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pagpapalawak ng mga runway.

Natapos na umano ang runway expansion sa Antique airport, habang malapit nang makumpleto ang kahalintulad na proyekto sa Busuanga.

Pinag-aaralan din ng CAB ang pagpapalawak ng nighttime operations sa maliliit na paliparan upang madagdagan ang bilang ng biyahe, na inaasahang makatutulong sa pagbaba ng pamasahe.

Kasabay nito, sinabi ng Malacañang na patuloy ang negosasyon sa mga pangunahing airline. Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakausap na ni Lopez ang Philippine Airlines at Cebu Pacific na kapwa pumayag na magbaba ng pamasahe, partikular sa mga biyahe patungong Siargao.

Tiniyak naman ng CAB na patuloy nitong babantayan ang domestic airfares upang masigurong makatarungan at makatwiran ang presyo ng mga tiket. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here