Home OPINION MATIBAY SI BAUTISTA

MATIBAY SI BAUTISTA

SA pagsasabong, may katagang “bali ang tuka” na ang
kahulugan ay talo ang manok dahil magaling ang kalaban. Kung
ia-apply naman natin sa hanay ng mga opisyal ng pamahalaan
ang ganitong kataga, tila ‘di mangyayari na mabalian ng tuka
itong si Transportation Secretary Jaime Bautista.

Matapang, matatag at magulang na manok-panabong kung baga,
itong si DoTr Secretary  Bautista. At kahit sinasabi ng karamihan
na nakadidismaya na ang ‘performance’ niya sa departamento
dahil parang wala siyang pakiramdam, eh nasabi pa ng ‘mama’
na “he serves at the pleasure of the president.”

Hindi nga raw siya mababalian ng tuka, sapagkat ang kakampi
pala nitong si Bautista ay pader.

Mahusay nga ang kanyang kasangga, kung totoo man ito. Pero
palagay ko si Pangulong Bongbong Marcos din ang mag-
aanunsiyo kung dismayado na ito sa serbisyo ni Bautista at ‘di
man lang ikokonsidera ang kaninomang opinyon.

Bakit nga ba mauunsiyame si PBBM? ‘Di naman nakababahala
ang mga nangyayari diyan sa Ninoy Aquino International Airport
na libo-libong pasahero ang naaapektuhan. Eh ‘di rin naman
nakababahala ang mga kaganapan diyan sa Philippine Ports
Authority na nakaaapekto sa passenger shipping lines. Eh ‘di lalo
na sa Land Transportation Office na ‘di naman nakaaapekto sa
milyong drivers. Isama na natin ang pagtaas ng pamasahe sa
Light Railways Transit na ‘di naman libo-libo rin anG naaapektuhang pasahero niyan, at ang pagsasapribado ng EDSA
Carousel. Ha!Ha!Ha!

Lahat ‘yan ay balewala kay Bautista.

Huwag na natin isama ang desisyon ng Ombudsman na sibakin
ang bata ni Bautista na si  Manila International Airport
Administration Chief Cesar Chiong.

Maaari ngang matibay ang sangga ng ating kalihim dahil kung sa
kaganapan sa Ninoy Aquino International Airport ay “baksi” na
sana agad ito at sa iba ko pang nabanggit na problema.

Wala pa riyan ang isa pang nagsasabing sandalan ni Bautista na
isang kilalang negosyante.

Iisa lang pala ang nagpapatatag kay Bautista – alam na this!