Home NATIONWIDE Matinding epekto ng bagyong Egay sa bansa bubusisiin sa Senado

Matinding epekto ng bagyong Egay sa bansa bubusisiin sa Senado

MANILA, Philippines – Inaasahang magdaraos ng imbestigasyon ang Senado kaugnay sa posibleng dahilan ng matinding epekto ng bagyong Egay sa bansa.

“Mahirap magbintang muna ngayon, tapusin muna nating malaman ang punot dulo,” sinabi ni Senador Francis Tolentino sa isang radio interview.

“Alam naman natin, malawak epekto. Kaya nanawagan tayo sa MMDA na makipag-ugnayan sa NLEX para, sa bahagi ng San Simon Bridge, maibsan ang tubig. Kasi ang MMDA sanay doon. Pumayag naman MMDA at NLEX.”

Ipinunto rin ni Tolentino ang posibilidad na nagpalala sa sitwasyon ang kasalukuyang pag-usad ng mga proyekto sa irigasyon at disaster response projects.

Nais ding busisiin ng senador ang pagpapakawala ng tubig mula sa Bustos Dam at ang komunikasyon mula sa Balug-Balog Dam.

“’Yung sa Bustos, rubber dam yun. Ngayon crack na siya. Hindi pa tapos may crack na, may mga basag basag na. Pag may crack talagang dadaloy ang tubig doon,” ani Tolentino.

“Marami pang susunod na hearing,” dagdag niya.

Samantala, nagpapatuloy naman ang rescue at relief operations ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa mga residenteng naapektuhan ng bagyo at habagat.

Patunay dito ang pagpapaabot ng tulong nina Tolentino sa mga biktima ng bagyo sa Arayat, Pampanga. RNT/JGC