PATULOY na hindi nababawasan ang galit ng publiko hinggil sa malawakang korapsyon sa pamahalaan kung saan, binabasa ninyo ito, nasa ikatlong araw na simula noong Linggo ang mga kilos-protesta, partikular sa Metro Manila.
Nalulungkot tayo na ang mga masugid at maingay ngayon na sumusuporta sa administrasyon ay mga prenteng grupo ng mga komunista, ang mga ‘Pinklawan’ at mga bayarang ‘NGOs’ ng ‘Tadong Unidos.
Nasaan na ang may 32 milyon Pilipino na bumoto kay PBBM tatlong taon pa lang ngayon ang nakaraan? Bakit pulos bistadong ganid sa salapi at notoryus na mga oportunista ang naiwan ngayon sa kampo ng Palasyo?
Para sa mga grupong ito, mainam nang matapos ni BBM ang kanyang termino at huwag magbitiw kesa naman anila ang maupong pangulo ay si VP Sara Duterte.
Isa rin sa slogan nila ay ‘Resign All’ sa argumentong “lahat” nang nakaupo ngayon ay mga korap pero kapag sinuri, isa lang din ang pakay nila— para hindi rin makaupong presidente si Vice President Sara Duterte.
Kumbaga, mas mainam sa kanila na tuluyang mabasura ang Saligang Batas at ang mga probisyon nito at malugmok na tayo sa kaguluhan—kasehodang mabangkarote ang ekonomiya at mawala ang respeto sa atin ng mundo– kung ang “makikinabang” lang naman ay si Dutere.
Pero teka, ano nga ang sinasabi ng batas? Ang Bise Presidente ang uupong pangulo sakaling hindi matapos ng ‘sitting president’ ang kanyang termino.
Nang ibinoto natin ang BBM-Sara noong 2022, malinaw at tinanggap natin ang panuntunang ito. Para nga hindi tayo maging magulo.
Oops! Hindi natin isinusulong si VP Sara na sa totoo lang, kahit minsan, katulad ng mga kapatid niya, ay hindi pa natin personal na nakita o nakausap.
Ang ipinupunto natin dito ay ang kawalang prinsipyo at pagiging balahura nang ilang grupo kung saan ‘optional’ at ‘discretionary’ ang kahalagahan ng pag-iral ng batas.
Translation? “Okay” sa kanila ang pag-iral ng batas—basta pabor sa kanilang interes at isinisigaw na islogan.
Matuto naman kayo ng “respeto.”






