CEBU CITY- PATAY ang isang negosyante matapos pagbabarilin ng isa sa tatlong suspek Lunes ng umaga, Marso 31 sa Tabogon City.
Kinilala ang biktimang si Dionisio Montejo Dosdos Jr., 51, may-ari ng Dendonz Hardware and Construction Supplies at residente ng Barangay Managase, Borbon City.
Batay sa report ng Tabogon Police Station, bandang 9:40 AM ng Marso 31, 2025 naganap ang krimen ilang metro ang layo sa hardware ng biktima na matatagpuan sa Sitio Lamac, Barangay Ili-han, sa nasabing lungsod.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, kaaalis lamang ng biktima sa kanyang hardware para magpa-carwash nang dumating ang mga suspek na nakamotorsiklo.
Dito, mabilis na sinundan ng mga suspek ang biktima saka pinagbabaril sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang krimen, mabilis na tumakas ang mga suspek subalit nitong Abril 1, 2025 nadakip ng mga awtoridad ang 2 sa 3 suspek kasama ang gunman.
Sinabi ng pulisya, natunton nila ang motorsiklo at kotse na ginamit ng mga suspek na kanilang inupahan.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing krimen kung may kinalaman sa negosyo ang motibo. Mary Anne Sapico