Home NATIONWIDE May-ari ng mga sasakyang nagliyab sa NAIA nakipag-ugnayan sa MIAA

May-ari ng mga sasakyang nagliyab sa NAIA nakipag-ugnayan sa MIAA

MANILA, Philippines- Nakipag-ugnayan na sa Manila International Airport Authority ang mga may-ari ng anim sa 19 na sasakyan na nasunog sa isang outdoor parking lot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Lunes, Abril 22.

Ayon kay MIAA spokesperson Attorney Chris Bendijo nitong Martes, hindi sasagot sa anumang katanungan ang MIAA para sa bahagi ng private concessionaire hinggil sa naganap na insidente ng pagkasunog ng mga sasakyan sa NAIA Terminal 3.

Sinabi ni Bendijo na ang mga may-ari ng sasakyan, saan man ang kanilang lokasyon, ay maaaring lumapit sa MIAA upang mai-refer sila sa private concessionaire.

Nabatid na nagsumite na ng liham ang concessionaire sa MIAA general manager hinggil sa kanilang assumption of liability.

Tiniyak din ng kompanya na ang paunang disclaimer ng paradahan sa lote na “park at your own risk” ay sasailalim pa rin sa public policy.

“Marami naman po tayong kaso na nagpapa walang bisa sa ganyang mga waiver,” ani Bendijo.

Samantala, isinara ang pay parking hanggang sa susunod na abiso dahil inaalis ng concessionaire ang mga tuyong damo sa lugar. Naka-standby ang isang fire truck para maiwasan ang mga karagdagang insidente.

Tiniyak naman ng pribadong konsesyonaryo na agad nilang aalisin ang mga naipong tuyong damo at makikipagtulungan sila sa anumang imbestigasyon.

“They were intending na tambakan po yung area na ito ng magkahalong crushed rock at graba, kaya lang po nangyari na nga po itong unfortunate incident na ito,” giit pa ni Bendijo.

Una rito, sinabi ng pamunuan ng paliparan na posibleng sanhi ng mabilis na pagkalat ng grass fire ang sunog dahil sa matinding init at tuyong kondisyon sa nakalantad na parking lot. JAY Reyes