Home NATIONWIDE PNP, NBI sanib-pwersa sa pagtugis kay Quiboloy

PNP, NBI sanib-pwersa sa pagtugis kay Quiboloy

PALO, Leyte- Tiniyak ng Philippine National Police na tinutulungan nila ang National Bureau of Investigation na matunton ang puganteng si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ kasunod ng panawagan ni Sen. Risa Hontiveros sa police organization na paigtingin ang implementasyon ng warrants of arrest laban sa kanya.

“The lead agency is the NBI and we are helping the National Bureau of Investigation locate him. We are closing in,” pahayag ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa pagbisita niya sa Police Regional Office-8 (Eastern Visayas) nitong Martes.

Sinabi ni Marbil, dating PRO-8 chief, hindi umano mahirap matunton si Quiboloy at may istratehiya na umano sila upang mahanap ito.

Nauna nang inihayag ng PNP na walang indikasyon na umalis ng bansa si Quiboloy batay sa tala ng Bureau of Immigration (BI).

May dalawang warrants of arrest na nakabinbin para kay Quiboloy mula sa Davao City at Pasig City Regional Trial Courts para sa sexual abuse at human trafficking.

Iginiit ni Hontiveros ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng PNP tna kumpiskahin ang licenses to own and possess firearms ni Quiboloy, na mayroon umanong 19 iba’t ibang klase ng baril na nakarehistro sa kanyang pangalan. RNT/SA