MAGANDANG balita ang sinasabi ni Pangulong Bongbong Marcos na may sapat na bigas hanggang sa kalagitnaan ng taon sa 2024.
Tiyak na may batayan ang pahayag na ito kung pagsamahin ang mga imported at lokal na bigas.
May problema nga lang.
Sa rami ng sinirang palay ng mga sunod-sunod na bagyo na pinalala ng grabeng ulan at baha ng habagat, baka kapusin tayo at hindi matupad ang pangako.
Kaya importasyon na lang ang pag-asa para matupad ito.
Ngunit problema rin ang epekto ng ban ng India sa pagluluwas ng bigas dahil 30 porsyento ng suplay sa buong mundo ang galing sa India na makasasama sa suplay at pag-angkat ng bigas.
Masamang balita rin ang pagsasama ng Thailand at Vietnam na humahawak ng halos 20% ng exported na bigas.
Sa ibang salita, magmamahal ang bigas.
Kaya naman, kahit may sapat na suplay ng bigas, hindi nangangahulugang magmumura ito.
P41-P45 NA ANG PRESYO
Bukas, sinasabing magiging P41 na lang ang presyo ng regular milled rice at P45 naman ang well milled rice dahil sa pag-iral ng Executive Order 39 na nagsasabing dapat may sapat na suplay at murang halaga ng bigas sa buong bansa.
Mapuputi lahat at mas maganda ang luto sa well milled rice habang may brown na parte ang mga regular milled rice na kadalasang hindi maganda kapag niluto.
Maganda ang balitang ito lalo’t magkakaroon ng mga guwardiya sibil sa lahat ng palengke, mall at iba pa, pampubliko man o pribado, para ipatupad ito.
Pero may pasubali naman.
Maaaring hindi apektado ang presyo ng mga tinatatakan ng jasmine rice, denorado, pandan, long grain, brown rice, violet rice at iba pa kahit marami ang peke sa mga ito gaya ng jasmine rice na mabango lang pagbukas ng sako ngunit wala nang bango at walang kalasa-lasa kapag iniluto.
At paano kung tatakan ang well milled rice ng ibang pangalan at tanging ang regular milled rice ang lilitaw na mabili sa mga palengke?
KARTEL AT HOARDING
Isa pang pag-asa sa sapat na suplay ng bigas at apordabol o tamang presyo ang posibleng kumpiskasyon ng mga ismagel at itinatagong bigas saka ikalat sa mga palengke at ibenta na rin ng mura.
Pero nakakita na ba kayo ng mga ismagler at hoarder na nakulong at kumpiskasyon nang malakihang bulto ng bigas?
Anak ng tokwa, malakas ang alingasaw na ang mga ismagel at hoarded na bigas ay madaling magkaroon ng papeles para maging ligal lahat.
Kaya nabobokya ang mga awtoridad sa paghuli at pagdedemanda sa mga ismagler at hoarder.
Mas magaling pa sa Diyos sa paggawa ng milagro sa mga papeles ang mga korap sa pamahalaan.
Kaya dapat bantayan din ang mga korap at hindi lang ang mga ismagler at hoarder.