MAGANDANG balita ang ibinahagi ni Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) president/chief executive Officer Emmanuel Ledesma, Jr., na may maaasahang 30% na muling pagtaas sa lahat ng health benefits bago matapos ang kasalukuyang taon.
Sinabi ito ni PCEO Ledesma sa pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography na pinamumunuan ni Senator Bong Go.
Kabilang sa benepisyong ilalabas ng health insurance corporation ang supplementary package PHILHEALTH plus, physical and medical rehabilitation, dengue package enhancement, chemotherapy package improvement, emergency care at iba pang mga benepisyo.
Matatandaan na noong February 14, 2024 kasabay ng anibersaryo ng PHILHEALTH ay naging epektibo ang pagtaas ng coverage rate ng napakaraming benefit packages kabilang ang sa Hemodialysis at breast cancer. Ikinatuwa at maraming miyembro ang nakinabang sa hakbang lalo pa’t noong 2013 pa ang huling pagtaas ng benepisyo sa pamamagitan ng case-based rate.
Inihain naman ng Agri-Party List sa House of Representatives ang House Resolution No. 1900 na humihikayat sa PHILHEALTH para sa karagdagang 30% na pagtaas ng benefit packages.
Pangako ni PCEO Ledesma sa mga Senador, sa taong 2025 ay mas ipararamdam nila ang bunga ng Universal Health Care law dahil sa ilalabas na komprehensibong outpatient package at benefit packages.
Ayon kay PCEO Ledesma, ang Universal Coverage ay isang ipinangako tungkulin na maabot ang bawat Pilipino, lalo na ang mga nasa marginalized at underserved na komunidad. Habang nakamit ng Philhealth ang coverage para sa lahat, ang hamon ngayon ay palawakin pa ang coverage na iyon, pagpapalawak ng access sa de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan sa bawat baryo, bawat liblib na lugar, bawat sulok ng ating kapuluan.
Importanteng alam mo ang benepisyong para sa’yo. May bago at may gagamitin na benepisyo para sa bawat Filipino. Sa Universal Health Care (UHC), awtomatiko kang miyembro ng PhilHealth!
Sa UHC, mayroon maraming benepisyo at lahat ng Filipino ay makapag-avail kahit anong benepisyo, kahit na hindi ka pa nakarehistro o kulang ka sa hulog. Huwag nang matakot, sa PhilHealth ligtas ka.