BINIGYAN ng palugit ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang mga bagong kontraktor ng basura na tapusin nila ang paghahakot sa lahat ng tambak ng basurang naipon mula Pasko at Bagong Taon, hanggang Biyernes, Enero 10.
Sa inilabas na pahayag ni Lacuna, nagbigay ito ng deadline sa PhilEco at MetroWaste kung saan iginiit pa nito na hindi sila titigil hangga’t hindi umano naibabalik ang kaayusan sa Lungsod ng Maynila.
Hindi naman napigilan ni Lacuna na sagutin ang akusasyon ng Leonel Waste Management Corp. hinggil sa pag-abandona ng kanilang trabaho.
“Ang pinakamahalagang isyu dito ay ang hindi pagtupad ng Leonel sa nakasaad sa kontrata na naging sanhi kung bakit nagkatambak-tambak ang basura sa lungsod pagpasok ng 2025,” saad ni Lacuna.
Aniya, ayon sa ulat mula sa mga barangay, Disyembre 30, 2024 pa lang ay inabandona na umano ng Leonel ang kanilang tungkulin sa lungsod kahit na hanggang Dis. 31, 2024 pa ang kontrata nilang hakutin ang mga basura sa Maynila.
Bukod pa aniya dito ang hindi pakikipagtulungan ng Leonel para sa smooth transition sa dalawang bagong service providers.
Pinabulaanan din ni Lacuna ang paratang ng Leonel na may P561.4 milyon na utang ang Manila LGU sa kanila.
Ayon sa alkalde, dumadaan sa proseso ang disbursement para sa payments sa Leonel. Aniya, may mga government accounting, auditing requirements, and procedures na itinatagubilin ng batas na kailangang sundin.
“Nabayaran na yung para sa naunang apat na buwan ng taong 2024. Available na rin ang pondong mahigit P131 million para sa May at June para sa serbisyo ng Leonel. Hindi po ito masasabing utang kung hindi ito ‘due and demandable’ kagaya ng nakasaad sa aming kontratang pinirmahan,” paliwanag ni Lacuna.
Ayon pa sa alkalde, kumpleto umano ang kanilang mga record sa Office of the City Treasurer.
Kaugnay nito, nilinaw din ni Lacuna na personal na desisyon ng may-ari ng Leonel ang hindi nila pagsali sa naganap na bidding patungkol sa kukuning kontraktor na hahakot ng basura sa taon 2025.