MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections na ang pamamahagi ng social services ay dapat pangasiwaan ng mga empleyado ng concerned agencies nang wala ang presensya ng mga pulitiko.
Sinabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia na hindi hahadlangan ang pamamahagi o distribusyon ng nasabing mga mahahalagang serbisyo sa gitna ng election ban.
Hiniling din ni Garcia ang pang-unawa ng publiko, lalo sa pagpayag na magpatuloy ang public works sa panahon ng election ban.
Samantala, hinikayat ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco ang mga indibidwal na maghain ng kanilang Certificates of Authority na magdala ng kanilang baril dahil magkakabisa na ang election gun ban sa Linggo.
Binanggit ni Laudiangco na ang mga kinauukulang indibidwal ay dapat maghain ng kanilang mga aplikasyon sa Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns.
Magiging epektibo ang gun ban sa buong panahon ng halalan mula Enero 12 hanggang Hunyo 11.
Ipinagbabawal ng ban ang pagdadala ng mga baril at nakamamatay na armas sa labas ng tirahan o lugar ng negosyo at sa lahat ng pampublikong lugar, gayundin ang pagdadala ng mga baril at/o mga bahagi nito, mga bala at/o mga bahagi ng mga ito, at mga pampasabog at/o mga bahagi nito at /o mga controlled chemials.
Idinagdag ni Laudiangco na ang mga natuklasang lumalabag sa gun ban ay mananagot sa paggawa ng isang election offense, na may parusang pagkakulong mula isa hanggang anim na taon, permanenteng disqualification sa public office at pagkawala ng karapatang bumoto bukod sa iba pa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)