MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkadismaya si incoming Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa dami ng basura na tumambad sa bahagi ng Divisoria, partikular sa lansangan ng C.M. Recto, na nagmistulang “open dumpsite” nitong Huwebes ng umaga.
Sa kanyang Facebook page, ipinahayag ni Domagoso ang kalungkutan sa nasabing sitwasyon at tiniyak na agad niya itong tutugunan pagpasok ng kanyang panunungkulan sa darating na Hunyo 30, 2025.
“Nakakalungkot ang sitwasyon ng ating Lungsod! Natanggap ko rin po ang mga panawagan ninyo mula sa iba’t ibang bahagi ng Maynila. Pumanatag po kayo, reresolbahin po natin agad yan the moment we assume office on June 30, 2025, 12:01 PM,” ani Domagoso.
Matatandaan na hinangaan si Domagoso, hindi lamang ng mga Manilenyo kundi ng buong bansa, nang maupo bilang alkalde ng Maynila dahil sa kanyang paninindigan na panatilihin ang kalinisan sa kahabaan ng C.M. Recto sa Divisoria, na ilang dekada nang naging tirahan ng mga illegal vendors at illegal terminal na hindi naagapan ng kapulisan at ng mga nakaraang alkalde.
Hindi inasahan ni Yorme Isko na muling mauwi sa ganitong kalagayan ang lugar lalo na’t iniwan niya itong malinis at maayos, pati na rin ang maayos na daloy ng trapiko, bago siya sumubok sa mas mataas na posisyon noong 2022 presidential election.
Nagpahayag naman ng kahandaan si Yorme Isko na lutasin ang mabigat na problemang iiwan sa kanya ni Mayor Honey Lacuna sa pagsisimula ng kanyang panunungkulan sa Lunes ng tanghali.
Dahil sa napakalaking problema sa basura, inaasahang kakanselahin ng bagong administrasyon ang kontrata ng MetroWaste Solid Management Corp. at Philippine Ecology Systems Corp. (PhilCo), na mga kumpanyang kinuha ni Mayor Lacuna.
Malaki ang posibilidad na bumalik muli bilang tagapaghakot ng basura sa Maynila ang Leonel Waste Management Corp. dahil sa magandang rekord nito noong sila pa ang humahakot sa basura ng lungsod. Jay Reyes