Home Entertainment Maynila target gawing drug-free

Maynila target gawing drug-free

LUMAGDA ang pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ng isang kasunduan sa iba’t ibang sektor upang makamit ang “drug-free city” at makapagbigay tulong sa mga lulong sa droga.

Ayon sa alkalde, malaki ang papel ng mga lumagda sa memorandum of agreement (MOA) sa paglaban sa iligal na droga kung saan kabilang dito ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), National Center for Mental Health, Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center, Caritas Manila, La Salle Greenhills, at Manila Anti-Drug Abuse.

Kasabay ng nasabing paglagda ang “Drug Abuse Prevention and Control Week” sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 124 s. 2001. Layon aniya ng partnership sa iba’t ibang stakeholders na paigtingin ang serbisyo ng gobyerno para sa mga persons who use drugs (PWUDs).

Nabatid sa alkalde na ang papel ng Manila Anti-Drug Abuse Office (MADAO), kung saan nagbibigay ang lungsod ng libreng rehabilitasyon para sa mga PWUD na ikinategorya bilang “moderate risk” sa pamamagitan ng community-based drug rehabilitation program. Sinabi niya na ang “severe dependence” sa ilegal na droga ay maaaring makakuha ng paggamot nang walang bayad sa pamamagitan ng nilagdaang MOA.

Kaugnay nito, ang La Salle Greenhills at TESDA ay bahagi ng libreng alternative learning system (ALS) program at Technical-Vocational Training para sa mga Manilenyo na may problema rin sa droga.

Samantala, ang Caritas Manila sa pamamagitan ng kanilang “Isang Paglalakbay o Sanlakbay Program”, ay magbibigay ng faith-based approach na rehabilitasyon para sa mga PWUDs. Habang ang ang National Center for Mental Health naman ay magbibigay ng libreng tulong sa mga may problema sa pag-iisip at nangangailangan ng tulong medikal dahil sa paggamit ng ilegal na droga. Jay Reyes