MANILA, Philippines – Nagsagawa ng kilos protesta ang mga residente partikular ang mga vendor sa Maynila para ipanawagan ang pagkakaroon ng pagbabago sa darating na halalan.
Ayon kay Carding Songsong, na siyang namumuno sa mga vendor sa Maynila, maraming pag-aari ng gobyerno ng Maynila aniya ang pinagbebenta umano ng nagdaang administrasyon.
Sa ikinasang kilos protesta, ilan lamang sa mga katagang nakasulat sa mga bitbit na posters at plakards ay “Manila is not for Sale”, “Wakasan ang Budol sa Maynila” .
Panawagan ng Manila People’s Movement huwag na sanang madagdagan pa ang kanilang nararanasang paghihirap lalo na huwag nang madagdagan pa ang mga ibinibenta uamnong ari-arian ng lungsod.
Isa sa naging emosyonal sa nasabing pagtitipon sa Plaza Moriones sa Tondo ,ang vendor na si Gng. Eva na isa sa nawalan ng puwesto sa palengke sa Divisoria mall habang inaalala ang mga panahon na sila ay nawalan ng hanapbuhay dahil ibinenta na ang kanilang pwesto.
Kabilang rin si Ginoong Emmanuel Plaza na isa ring vendor sa Divisioria public market ang nagpahayag ng kanyang sama ng loob matapos na maibenta umano ang palengeke.
Ilan pa sa mga ari-arian na ibinenta umano ng nakaraang administrasyon ang Harrison Plaza, Paco Public Market at ilang mga gusali na pag-aari ng LGU.
Ang pagbebenta sa Divisoria public market ay labis umanong nakaapekto sa mga vendor na nawalan ng hanapbuhay na may mga binubuhay at pinag-aaral na mga anak.
Sinubukan namang hingan ng reaksyon ang dating administrasyon ng pamahalaang lungsod ng Maynila ngunit wala pang tugon habang isinusulat ang balitang ito. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)