Home NATIONWIDE Mayor Guo kumpyansang malilinis kanyang pangalan sa citizenship at POGO issue

Mayor Guo kumpyansang malilinis kanyang pangalan sa citizenship at POGO issue

MANILA, Philippines – Kumpyansa si Tarlac Mayor Alice Guo na malilinis niya ang kanyang pangalan sa mga isyung bumabagabag sa kanya.

Ang pahayag ng alkalde ay sa gitna ng patuloy na imbestigasyon na nagdulot ng mga pagdududa sa kanyang pagkamamamayan ng Pinas at sa kanyang pagiging karapat-dapat na humawak ng pampublikong opisina.

Kasalukuyang iniimbestigahan si Guo dahil sa mga tanong sa kanyang pagkamamamayan na lalong naging kontrobersyal sa mga paratang na may mahalagang papel ang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa pagtiyak sa kanyang tagumpay sa 2022 na halalan.

Ngunit sinabi ni Guo na pera ng kanyang pamilya at mga kaibigan mula sa hog raising industry ang nakatulong sa kanyang pondohan ang kanyang kandidatura at hindi POGO o anumang ilegal na aktibidad.

‘Yung pamilya ko ay mayroon nang pera at kabuhayan bago pa man ako pumasok sa pulitika, kaya hindi ko na kailangan pasukin ang alinman sa mga ilegal na aktibidad na nangyayari sa POGO,” ani Guo.

Aniya, handa siyang patunayan na kung ano man ang pag-aari ng kanilang pamilya ngayon ay bunga ng kanilang pagsusumikap, at pagsisikap, at hindi mula sa anumang ilegal na gawain.

Matatandaang ginisa ng mga senador si Guo sa patuloy na imbestigasyon kasunod ng pagsalakay sa pasilidad ng POGO na matatagpuan malapit sa municipal hall noong Marso ngayong taon kaugnay ng mga alegasyon ng human trafficking at serious human illegal detention.

Ang umano’y pagkakaugnay niya sa operasyon ng POGO ay itinaas sa imbestigasyon matapos na ma-recover sa site ang isang electric bill sa ilalim ng kanyang pangalan at isang kotse na nakarehistro sa ilalim ng kanyang pangalan. RNT