HINDI matatawaran ang liderato ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sapagkat muli na naman itong humakot ng mga parangal sa highly-prestigious 2024 Urban Governance Exemplar Awards.
Ito siyempre ay dahil sa all-out at consistent na mga hakbang ng administrasyon ni Lacuna-Pangan sa pagbibigay ng pinakamatinding proteksyon at serbisyo sa mga bata ng Maynila.
Tatlong karangalan ang tinanggap ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa ika-22 taong selebrasyon ng National Children’s Month na ginawa sa City Hall.
Mismong si Lacuna ang tumanggap ng tatlong parangal kasama sina Manila Department of Social Welfare head Re Fugoso at Manila Council for the Protection of Children Vice Chairperson Councilor Roma Robles, na kapwa nagpasalamat sa Department of Interior and Local Government sa pagkilala ng iginawad sa lungsod.
Hindi nga lang si DILG Secretary Jonvic Remulla ang naggawad ng parangal. Pero mismong si DILG-Manila Director John Visca ang nag-abot ng mga parangal.
Halos hindi naman matapos-tapos ang pasalamat ng unang babaeng alkalde ng Maynila at ang maganda nito ay hindi niya sinolo ang kredito sa mga karangalan subalit ibinahagi sa lahat ng mga pagsisikap ng lahat ng mga opisyal at kawani na may kinalaman para matanggap ng pamahalaang lokal ang nasabing karangalan.
Nabatid na sa ikatlong sunod na taon, ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay kinilala sa maraming inisyatibo sa pagbibigay ng proteksyon sa mga bata sa pamamagitan ng pinakamataas na pagkilala sa kanyang ‘Ideal Local Council for the Protection of Children Audit.’
Muli, sa ikalawang pagkakataon ang Maynila ay ginawaran ng karangalan sa pagiging ‘Highly-Functional Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Children (LCAT-VAWC)’, habang ang ikatlong parangal na natanggap ng lungsod dahil naman sa ‘High Performing Peace and Order Council Performance Audit.’
“Ang mga pagkilala at parangal na ito ay dapat na magbigay sa atin ng higit pang inspirasyon upang ipagpatuloy ang ating mga nasimulan, lalo pang palawakin ang mga programa at proyekto na atin nang
ginawa at palakasin pang lalo ang ating kakayahang pangalagaan at bigyang-proteksyon ang mga batang Manilenyo,” saad ni Lacuna.
“Isang malaking tagumpay para SA Manila Council for the Protection of Children ang pagsasagawa ng Childrens’ Congress sa tulong ng Network of Duty Bearers at ng Manila Health Department. Ang nasabing Childrens’ Congress ay naging daan upang marinig natin ng boses ng mga batang Manilenyo at maging mulat tayo sa kanilang mga pananaw sa iba’t- ibang mga kaganapan sa ating lipunan,” dagdag pa ng alkalde.
Sa ‘State of the Children Address’ muling inulit ni Lacuna ang commitment ng kanyang administrasyon na suportahan ang lahat ng hakbang tungo sa proteksyon ng mga bata lalo sa lahat ng uri ng karahasan. At sa okasyon ding iyon, dumalo ang iba’t-ibang pinuno ng mga departamento, kawani at child protection advocates na sumumpa rin na magtatrabaho para pag-unlad at kaligtasan ng mga bata.