MANILA, Philippines – NAGBIGAY ng ‘go signal’ ang National Economic and Development Authority (NEDA) Board para palawigin ang construction period at iba pang adjustments sa Cavite Industrial Area-Flood Risk Management Project (CIA-FRIMP) at Pasig-Marikina River Channel Improvement Project (PMRCIP) – Phase IV.
Ang NEDA Board sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., bilang chairman, nagbigay ng go signal sa pang-22 pagpupulong nito sa Palasyo ng Malakanyang.
Sinabi ng Presidential Communications Office (PCO), kabilang sa inaprubahang pagbabago sa CIA-FRIMP ay ang itaas ang kabuuang project cost sa P22.037 billion, mas mataas ng 122.79% o P12.146 billion mula sa P9.891 billion.
Inaprubahan din ng NEDA Board ang 65-month extension ng implementation period ng proyekto na magsisimula sa April 2025 hanggang September 2029.
Sinabi pa rin ng PCO na in-adjust na ito mula sa orihinal na October 2019 sa April 2024.
Ayon sa PCO, nagbigay din ng go signal ang NEDA Board sa pagbabago sa ‘scope of work’ lalo na sa pagpapawalak ng diversion channels at karagdagang drainage channels.
Ang isa pang adjustment ay loan reallocation na may kabuuang JPY1.042 billion mula consulting services (JPY 384 billion) at contingencies.
“I think maybe the detailed engineering had to compensate for weather changes. And then the housing, wala ‘yung housing sa (the housing was not included in the) original estimate,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa naturang miting, ayon sa PCO.
“The cost will be increased. At least the local component will be increased from the original. That’s the only thing that sticks out on the financial analysis. But it’s still within the guidelines,” ang winika pa rin ng Pangulo.
‘As of Sept. 30, 2024’, ang CIA-FRIMP ay mayroong overall physical accomplishment na 44.21%, mayroong negative slippage na 55.79%.
Mayroon itong fund utilization rate na 35.42% o P3.503 billion na na-disbursed na.
Layon ng proyekto na pagaanin ang flood damage sa mas mababang maaabot ng San Juan River Basin at adjacent nito na Maalimango Creek Drainage Area sa Cavite province.
“The NEDA Board also approved a 74.32-percent increase or PHP24.599 billion in total project cost from PHP33.097 billion to PHP57.696 billion for the PMRCIP Phase IV,” ayon sa PCO.
Idinagdag pa ng PCO na mayroong 63-month extension para sa implementasyon ng PMRCIP Phase IV mula December 2025 hanggang March 2031.
Inaprubahan din ng NEDA Board ang pagbabago sa ‘scope of work’ gaya ng disensyo ng Middle Marikina River, modifications sa drainage facilities, at karagdagang trabaho.
Ang loan reallocation na may kabuuang JPY3.373 billion mula consulting services (JPY1.728 billion) at contingencies (JPY1.645 billion) sa civil works component ay inaprubahan din ng NEDA Board, kabilang na rito ang supplemental loan ng JPY45.759 billion.
Layon naman ng PMRCIP na pagaanin ang flood damage sa Metro Manila sanhi ng channel overflow ng Pasig-Marikina River.
Nakikitang mapakikinabangan ang proyekto ng mga lungsod ng Pasig, Marikina, at Quezon sa Metro Manila at mga munisipalidad ng Taytay at Cainta sa Rizal.
“Ang concern ko rin is the design. Does it take into account the new weather? Because ano na ‘yan, danger area na ‘yang Marikina talaga. The levels of water in the last two big typhoons we had, we came to within half a meter of the limit bago mag spillover,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Samantala, sinabi naman ni Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan kay Pangulong Marcos na ang disensyo ng proyekto ay makatutulong na mapatigil ang spillover sa panahon ng kamakailan lamang na mga bagyo.
“The other component that we are looking into the Pasig-Marikina River is actually the construction of the three dams in the [watershed],” ang sinabi ni Bonoan.
Maliban sa mga pagbabago sa dalawang flood control projects, inaprubahan din ng NEDA Board ang implementasyon ng locally financed na Philippine International Exhibition Center Project, at pagkuha ng 40 units ng mabilis na patrol crafts na popondohan sa pamamagitan ng official development assistance (ODA).