HINIKAYAT ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido E. Laguesma ang mga Public Employment Service Offices (PESOs) na tiyakin na ang kanilang mga serbisyo ay tumutugon sa mga umuunlad na pangangailangan ng mga manggagawa sa gitna ng mga hamon na may kaugnayan sa digitalization at lumalawak na green and care economies.
Pinaalalahanan din niya ang mga PESO na “gumawa ng mga hakbang upang palalimin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na industriya, ihanay ang mga programa sa pagsasanay sa mga pangangailangan sa merkado ng paggawa, at aktibong lumahok sa pagbabalangkas ng mga patakaran upang higit na maging handa ang mga manggagawa para sa mga pangangailangan ng isang dinamikong ekonomiya.”
Bilang bahagi ng mga hakbangin na ito, binanggit niya na sinimulan na ng DOLE ang pagbuo ng PESO Digitalization Roadmap na idinisenyo upang gawing moderno ang mga operasyon ng PESO sa buong bansa para matiyak na ang mga serbisyong pangtrabaho ay mananatiling abot-kamay at mahusay sa digital age.
“Sa pamamagitan ng pagsasama ng mga pisikal na opisina sa mga virtual platform, maisasagawa ng PESOs ang real-time job matching, labor market information, at automated service para sa parehong naghahanap ng trabaho at mga employer,” dagdag ni Laguesma.
Binigyang-diin din ni EHRDC Assistant Secretary Paul Vincent W. Añover ang katatagan ng mga PESO sa gitna ng pagbabago ng mundo ng paggawa.
“Sa pamamagitan ng inyong sama-samang dedikasyon, inobasyon, at pagsisikap patuloy tayong makakaahon sa mga hamon na kumakatawan sa tunay na diwa ng serbisyo-publiko.
Ipinakita ninyo na kahit sa panahon ng pagsubok, sa panahon ng kawalan ng katiyakan at pagbabago, nananatili ang PESO sa pagbibigay ng oportunidad at mahalagang ugnayan sa pagitan ng mga naghahanap ng trabaho at disenteng trabaho,” pahayag ni Assistant Secretary Añover sa kanyang pangwakas na pananalita.
Nagsama-sama sa tatlong araw na PESO Congress ang mahigit isang libong kalahok, kabilang ang mga PESO manager, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, career development support advocates, gayundin ang mga regional implementer ng DOLE, upang magbahagi ng mga pinakamahusay na kasanayan upang palakasin ang mga serbisyong-pantrabaho.