Home NATIONWIDE MDSW nag-ikot sa Maynila sa kasagsagan ng malakas na ulan

MDSW nag-ikot sa Maynila sa kasagsagan ng malakas na ulan

1
0

MANILA, Philippines — Sa gitna ng walang tigil na pag-ulan dulot ng Habagat, nagsagawa ng inspeksyon at pag-iikot ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa mga district office at evacuation center sa lungsod.

Pinangunahan ni MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente ang pag-iikot dakong alas-2 ng madaling araw habang malakas ang buhos ng ulan, partikular sa Baseco, Tondo, Maynila.

Personal ding nagtungo si Dela Fuente sa Baseco Evacuation Center upang kumustahin ang anim na pamilyang boluntaryong lumikas mula sa kanilang mga tahanan na nasa tabing-dagat sa Aplaya.

Ayon sa MDSW, pansamantalang nagtungo sa evacuation center ang mga pamilya bilang pag-iingat sakaling lumakas ang alon at maging delikado ang kanilang mga tahanan dahil sa patuloy na sama ng panahon.

Tiniyak naman ng ahensya na agad na naibigay ang pangunahing pangangailangan ng mga evacuee, kabilang ang libreng hot meals, damit, sleeping kits, food boxes at modular tents na maaari nilang gamitin habang nasa evacuation center.

Sinabi ni Dela Fuente na magpapatuloy ang kanilang pag-iikot at monitoring sa iba’t ibang lugar sa Maynila upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga residente, lalo na sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng pagbaha at pagtaas ng tubig.

Bahagi umano ito ng patuloy na pagtugon ng MDSW sa direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na tiyaking maagap ang serbisyo at proteksyon sa mga Manilenyo sa panahon ng matinding pag-ulan at iba pang kalamidad. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here