MANILA, Philippines – Arestado ang isang 23-anyos na babae na kabilang sa most wanted persons sa Eastern Samar at hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa isang operasyon ng mga awtoridad sa bayan ng Dolores nitong Lunes, Nobyembre 9.
Kinilala ng Police Regional Office 8 (PRO-8) ang suspek sa alyas na “Marie,” residente ng Dolores at itinuturing na No. 1 most wanted person sa lalawigan.
Ayon sa pulisya, umano’y nagsisilbi siyang medical personnel ng isang yunit ng NPA sa ilalim ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC), na sinasabing kumikilos sa mga bayan ng Gamay, Mapanas at Palapag sa Northern Samar.
Dinakip ang suspek sa Sitio Casapa, Barangay Denigpi-an, Dolores, sa bisa ng mga warrant of arrest kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020, dalawang bilang ng kasong murder, tatlong bilang ng frustrated murder at robbery.
Pinangunahan ng 801st Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 8 ang operasyon katuwang ang iba’t ibang police intelligence at investigation unit, Dolores Municipal Police Station, iba pang yunit ng pulisya sa Eastern Samar at 52nd Infantry Battalion ng Philippine Army.
Dinala ang suspek sa Dolores Municipal Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang proseso.
Ayon kay PRO-8 Director Brig. Gen. Romano Cardiño, ipinakita ng pagkakaaresto ang patuloy na pagsisikap ng pulisya na matunton at madakip ang mga wanted na indibidwal sa pamamagitan ng intelligence-led operations at pakikipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agencies.
Tiniyak din niyang palalakasin pa ng pulisya ang pangangalap ng impormasyon at koordinasyon sa iba’t ibang ahensiya upang maiharap sa batas ang mga indibidwal na nahaharap sa kasong kriminal at may mga nakabinbing warrant of arrest. RNT/JGC