MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagbubukas ng Doctor of Medicine programs sa limang state universities and colleges (SUCs) bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na madagdagan ang bilang ng mga doktor at iba pang healthcare professionals sa bansa.
Ayon sa CHED, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang medical at nursing education upang matugunan ang kakulangan ng mga manggagawang pangkalusugan, lalo na sa mga kulang sa serbisyong medikal na lugar.
Kabilang sa mga SUCs na nabigyan ng pahintulot ang Benguet State University sa Cordillera Administrative Region; Visayas State University, Eastern Samar State University, at University of Eastern Philippines sa Eastern Visayas; at ang Cotabato State University-Cotabato Regional Medical Center School of Medicine sa Soccsksargen.
Magsisimula ang operasyon ng una at ikalawang taon ng kanilang Doctor of Medicine programs sa Academic Year 2026-2027.
“By expanding medical program offerings in state-funded institutions, CHED ensures that aspiring and deserving doctors from diverse regions can pursue their medical dreams locally, ultimately strengthening the country’s healthcare system and community-based health service delivery,” ayon sa CHED.
Sinabi rin ng ahensya na ang Benguet State University ang kauna-unahang SUC sa Cordillera Administrative Region na magkakaroon ng programang medisina.
Ayon pa sa CHED, suportado ng hakbang ang pagpapatupad ng Doktor para sa Bayan Act at layuning magkaroon ng hindi bababa sa isang SUC na may medicine program sa bawat rehiyon ng bansa, maliban sa bagong tatag na Negros Island Region na nakatakdang maging susunod na prayoridad. Santi Celario