Home NATIONWIDE P461.1M yaman, idineklara ni Ombudsman Remulla

P461.1M yaman, idineklara ni Ombudsman Remulla

3
0

MANILA, Philippines — Nagdeklara si Ombudsman Jesus Crispin Remulla ng net worth na P461.1 milyon hanggang Abril 30, 2026, batay sa kanyang pinagsamang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) kasama ang kanyang asawang si Ma. Josefina.

Umabot sa P461.3 milyon ang kanyang kabuuang assets, kabilang ang P112.8 milyon sa mga real property at P348.5 milyon sa personal properties, habang nasa P300,000 ang kanyang mga pananagutan o liabilities.

Kabilang sa kanyang mga pangunahing ari-arian ang mga bahay at lote sa Las Piñas City, Makati City, Parañaque City, Tagaytay City, Baguio City at Cavite, gayundin ang ilang farm lot sa Indang, Cavite. Ang pinakamahalagang real property na kanyang idineklara ay isang P35-milyong residential house and lot sa Las Piñas City.

Sa kanyang personal properties, nakapaloob ang mahigit P297 milyon na cash in bank at mga nalikom mula sa bentahan ng stocks at minanang ari-arian, P44 milyon na halaga ng mga sasakyan, at P6.5 milyon na halaga ng muwebles, alahas at iba pang personal na gamit. Nagdeklara rin siya ng mga shares of stock sa South Livestock, South 7 Realty, at LA POCH Villa Realty, Inc.

Samantala, binubuo ng P200,000 personal loan at P100,000 na hindi pa nababayarang subscription sa LA POCH Villa Realty, Inc. ang kanyang mga liabilities.

Itinalaga si Remulla bilang Ombudsman noong Oktubre 2025 matapos magsilbi nang mahigit tatlong taon bilang Kalihim ng Department of Justice.

Kapatid niya si Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla. Tatlo rin sa kanyang mga anak ang nasa politika: sina Cavite Congressman Crispin Diego Remulla, Cavite Governor Gabriel Remulla, at Naic, Cavite Vice Mayor Jacinta Remulla.

May pitong taong termino ang Ombudsman. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here