MANILA, Philippines – Timbog ang isang auto mechanic na wanted sa dalawang kaso ng rape matapos masakote ng mga tumutugis na kapulisan sa Caloocan City.
Sa ulat, nakatanggap ang Northern Police District (NPD) na naispatan sa lungsod ang presensya ng 53-anyos na akusado na residente ng Quirino Avenue, San Dionisio, Parañaque City at nakatala din bilang No. 1 Most Wanted Person sa NPD habang No. 2 MWP naman sa Caloocan.
Kasama ang Northern District Intelligence Team – Regional Intelligence Unit (NDIT-RIU, RID-NCRPO), at Warrant and Subpoena Section ng Caloocan police, agad nagsagawa ang DSOU ng manhunt operation.
Dakong alas-8:45 ng gabi nang tuluyang masukol ng tumutugis na kapulisan ang akusado sa Monumento Circle, East Grace Park, Barangay 86, na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.
Dalawang warrant of arrest para sa kasong Rape na parehong walang inirekomendang piyansa na inisyu nina Judge Barbara Aleli Hernandez Briones ng Family Court Branch 1, at Judge Glenda Callo Marin ng RTC Branch 124, kapwa ng Caloocan City ang isinilbi ng pulisya sa akusado.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng DSOU habang hinihinatay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa Caloocan City Jail. Rene Manahan