CEBU, Philippines – Patay ang isang 34-anyos na motorcycle mechanic matapos barilin at saksakin sa Bantayan, Cebu.
Tinututukan ng pulisya ang personal na alitan, posibleng may kaugnayan sa negosyo, bilang motibo sa krimen.
Ayon kay Police Lt. Col. Aldrin Villacampa, hepe ng Bantayan Municipal Police Station, dating empleyado ng suspek ang biktima at nagkaroon sila ng alitan matapos magtayo ang biktima ng sariling shop malapit sa negosyo ng suspek.
Nangyari ang insidente bandang 7:30 ng gabi sa Barangay Sillon habang nagtatrabaho ang biktima.
Nagpanggap umanong customer ang suspek at nagtanong tungkol sa sealant bago biglang bumunot ng baril.
Binaril muna ng suspek ang biktima bago sila nag-agawan sa baril.
Nang mahulog ito, kumuha umano ng kutsilyo ang suspek at paulit-ulit na sinaksak ang biktima.
Isinugod sa ospital ang biktima ngunit dead on arrival.
Ayon sa medico-legal, nagtamo siya ng isang tama ng bala at maraming saksak, kabilang ang pitong sugat sa dibdib.
Patuloy ang hot pursuit operation ng pulisya upang maaresto ang suspek, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT/MND