Home METRO Mekanikong sakay ng motorsiklo nalubak sa kalsada, pisak sa sagasa ng closed...

Mekanikong sakay ng motorsiklo nalubak sa kalsada, pisak sa sagasa ng closed van

MANILA, Philippines – HALOS hindi na makilala ang isang mekaniko nang madurog ang ulo nito makaraang aksidenteng tumumba ang minamaneho itong motorsiklo dahil sa lubak na kalsada at hindi sinasadyang masagasaan ng isang paparating na closed van, gabi ng Linggo, Hunyo 30 sa national highway ng Barangay Dila, Sta. Rosa City, Laguna.

Kinilala ang biktimang nasawi na si Michael Noveno Acenita, 43, may-asawa, bike mechanic at naninirahan sa #1722 6th Street, Punta, Sta. Ana, Manila.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Sta Rosa City Police Station, naganap ang aksidente ng dakong alas-9:30 kagabi habang ang nasawing biktima na kasalukuyan umanong lulan ng kanyang motorsiklo na Honda Click ay nawalan ng balanse makaraang malubak sa isang malalim na bahagi ng kalsada na humantong sa pagkabaliktad ng motorsiklo nito.

Napag-alaman na humandusay sa kalsada ang biktima at hindi sinasadyang magulungan ang ulo nito ng isang paparating na closed van na hindi na nagawang ihinto ng drayber na si Hamer Villamayor Diaz, 47, nakatira sa Purok 2 Barangay Marinig, Cabuyao City, Laguna.

Ayon sa mga motorista, marami na umano ang nadidisgrasya dahil sa malalim na lubak sa kalsada sa pinangyarihan ng aksidente lalo na kapag gabi. Ellen Apostol