Home METRO 12 nakabonet sakay ng puting van na sumalakay sa isang subdibisyon sa...

12 nakabonet sakay ng puting van na sumalakay sa isang subdibisyon sa Bulacan, arestado

Bulacan – Arestado ang 12 indibiduwal na nakabonet na umano’y sumalakay, nanakit at nang-agaw ng baril nG guwardiya sa isang subdibisyon sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang unang naarestong suspek na si Jessie Caranto, pawang miyembro ng Public Order Safety Office (POSO) ng lungsod.

Sa report ng SJDM police kay Bulacan Police director P/Col. Relly Arnedo, naganap ang insidente bandang 6:30 ng gabi nitong Hunyo 29 sa outpost ng isang subdibisyon sakop ng Brgy. Gaya-Gaya.

Ayon sa report at base sa saksing tricycle driver, biglang sumulpot ang isang puting van sa lugar hanggang sa nagbabaan ang mga lalaking nakabonet na umano’y armado ng baril at pamalo.

Walang kaabog-abog na dinamba ng lalaking nakabonet ang OIC lady guard ng subdibisyon na itinago sa pangalang Sharon at kinuha ang kanyang baril.

Isa pang dalagang residente ang nasa outpost na nagngangalang KR, 26, ang pinalo sa ulo subalit aksidenteng nahablot niya ang bonet kaya lumitaw ang mukha ng isa sa suspek.

Dahil dito, mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng puting van sa hindi malamang direksyon.

Nang makarating sa pulisya ang reklamo
ay agad nangsagawa ng follow-up operation at nangalap ng CCTV footages hanggang sa tuluyang naaresto ang natanggalan ng bonet na si Caranto.

Nalamang may pumuntang 11 lalaki sa istasyon ng pulisya ng mga sumunod na oras at araw na iyon para ipagtanggol si Caranto at ilihis ang pangyayari.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, dumating din ang mga complainant sa istasyon na nagsabing sila ay mga kasamahan ni Caranto na sumugod, nanakit at nang-agaw ng baril kaya sila tuluyang inaresto.

Sinasabing posibleng may kinalaman ang nangyari sa sigalot ng dalawang umaangkin na lehitimong Home Owners Association sa isang subdibisyon sa lugar na may “toll gate” at kayang kumita ng nasa milyong piso kada taon.

Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III