MANILA, Philippines – Nasagip ng mga otoridad ang walong babae, kabilang ang isang 13-anyos na babae, mula sa dalawang KTV bar sa Commonwealth Avenue sa isinagawang entrapment operation ng pulisya noong nakaraang linggo.
Nabatid na isinagawa ang raid kasunod ng isang buwang pagbabantay sa umano’y prostitusyon sa mga establisyimento.
Sinabi sa ulat na sinalakay ng mga pulis mula sa Holy Spirit Police Station ang mga kalapit na bar matapos kumpirmahin ang mga ulat ng mga ilegal na aktibidad, na nahuli ang ilang mga customer at kababaihan sa loob ng lugar sa panahon ng operasyon.
“Nag-conduct po kami ng casing and surveillance nang halos isang buwan at nang makumpirma namin na ‘yung impormasyon, ikinasa namin ‘yung entrapment operation. Initially dalawang libo ang hinihingi ng empleyado pero naibaba po ng P1,500 na dagdag-serbisyo,” sinabi ni Police Lieutenant Colonel Jefry Gamboa, commander ng Holy Spirit Police Station.
Ayon kay Gamboa, ang isa sa mga bar ay nag-ooperate bilang canteen sa araw ngunit nagiging bar sa gabi.
“Sa umaga po ang front niya is canteen pero na-ko-convert po siya ng bar sa gabi,” sinabi pa ng opisyal.
“Kasama po sir ng mga social worker natin ng Social Services Development Department ng Quezon City ay isinama po natin sila rito sa istasyon para magamit at madagdagan ang impormasyon. Pagkatapos po ay tinurn over sa Inter-Agency Council Against Trafficking para mag-undergo po ng counseling at iba pang intervention,” dagdag pa ni Gamboa.
Kaugnay nito, inaresto ng mga awtoridad ang babaeng may-ari ng bar, isang babaeng kawani, at dalawang lalaking empleyado. Tumangging magkomento ang dalawang babae, habang itinanggi ng mga lalaking suspek ang anumang prostitusyon sa bar. Santi Celario